Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 445

Ika-5 na labas

Saglit na napaisip si Diwata.

“Mark, ano kaya kung hanapin mo ako?”

“Ano? Hahanapin kita, pa’no ‘yon?”

Lumapit si Diwata sa lalaki.

“Ang ibig kong sabihin, alamin mo kung may naghahanap ba sa’kin, kung…hay paano ko ba ie-explain?”

“Okay, gets ko na, sige mag-iimbestiga ako tungkol sa’yo.”

“Talaga? Salamat ha!” hindi napigilan ni Diwata ang sarili na yakapin ang lalaki sa tuwa niya.

Hindi naman agad nakakilos si Mark. Nabigla siya sa pagyakap ng babae sa kanya. Hanggang sa bumitiw ito ay walang salitang lumabas sa bibig niya.

“Sige Mark, matutulog na ‘ko, good night!”

Tango lang ang itinugon ng lalaki. Para siyang naengkanto sa biglang pagyakap ni Diwata.

Kakaiba ang naramdaman niya.

Sa likod ng pinto ng silid ay nakasandal si Diwata. Tila may kakaiba rin siyang naramdaman sa pagyakap niya sa binata. Pakiramdam niya ay naging panatag siya ng ilang saglit habang nakayakap dito.

Kinabukasan.

Paggising ni Diwata ay may sinangag at tuyo na sa mesa. Nakahanda na rin ang pangkape niya.

“Grabe, nakapa-thoughtful niya.”

Maganang kumain ang babae. Kahit hindi pa niya masyadong kilala at may kasungitan si Mark, pakiramdam niya ay safe na safe siya rito. Siguro dahil ito ang nagligtas sa kanya sa kakahuyan kung saan siya nakuha nito kaya gano’n na lang siya kakomportable.

Samantala habang namimili ng mga gamit para kay Diwata ay nakikiramdam sa paligid si Mark. Pinakikinggan niya ang usap-usapan ng mga tindera. Pero wala siyang makuhang impormasyon na mag-uugnay sa babae.

Nagdadalawang isip siya kung lalapit na ba siya sa mga pulis para magtanong pero sa tuwing maiisip niya ang pangamba ni Diwata ay napipigilan siya.

Nang makauwi siya ng bahay ay excited si Diwatang sumalubong sa kanya.

“Ano Mark, kumusta sa bayan, may nalaman ka ba?”

Umiling ang lalaki.

“‘Wag ka ng malungkot, binilhan naman kita ng mga bagong damit at konting gamit.”

Iniabot ni Mark ang mga pinamili sa babae. Ngumiti naman ito.

“Salamat dito ha.”

Pagod na ibinagsak ni Mark ang katawan sa sofa.

“Teka, gusto mo ba ng masahe?”

“Ano kamo, masahe?”

“Oo, hindi ko lang maalala ang nakaraan ko, pero sa tingin ko marunong akong magmasahe.”

Umayos ng upo si Mark.

“Alam mo gusto ko ‘yang ideya mo!”

Inilapag muna ni Diwata ang mga pinamili ni Mark sa mesa at saka pumwesto sa bandang likuran ni Mark. Inumpisahan niyang hagurin ang sentido nito.

Napapikit si Mark. Magaan ang lapat ng kamay ni Diwata. Mukhang may alam nga ito.

Matapos hilutin ang ulo ng binata…

Related Posts

“Hubarin mo ang damit mo.”

Napamulat si Mark.

“Teka, maghuhubad ako?”

“Oo, yung pang-itaas mo lang!” natatawang sabi ni Diwata.

Natatawa ring sumunod si Mark.

“Akala ko kasi…”

“Huwag kang malisyoso, kahit man lang sa ganitong paraan ay masuklian ko ang kabutihan mo sa ‘kin.”

“Hindi naman ako naghahanap ng kapalit.”

“Alam ko. Pero gusto ko lang makabawi, lalo na at hindi ko alam kung hanggang kailan ako dito sa poder mo…”

Sinimulan ni Diwata ang pagmamasahe sa likod ni Mark.

“Pwede kang dumito hangga’t gusto mo.”

“Kung gano’n salamat.”

Hindi na kumibo si Mark. Ipinikit niyang muli ang mga mata at ninamnam ang bawat hagod ng kamay ni Diwata. Ang sarap sa pakiramdam niya. Sa tanang buhay niya ay ngayon lang siya nakaranas ng ganitong klaseng pagmamasahe. Para siyang idinuduyan sa ulap.

“Diwata, pwede bang gawin mo lagi ito?” pakiusap ni Mark na nanatiling nakapikit.

“Oo naman, sabihin mo lang kung kelan mo gusto.”

Habang hinihilot ang lalaki ay nakaramdam din ng saya si Diwata. Masaya siya kapag alam niyang napapasaya niya ito.

Sa silid. Sinukat ni Diwata ang lahat ng pinamili sa kanya ni Mark.

“Wow, saktong-sakto sa ‘kin ah, parang isinukat talaga!” nakangiting kausap ni Diwata sa sarili sa harap ng salamin habang inilalapat ang duster sa katawan.

Matapos ang duster ay ang blouse at palda naman ang isinukat niya. Meron ding short at underwear.

“Ha? Pati ito sukat?”

Nang bigla siyang makaamoy ng mabangong niluluto.

“Hmm, amoy adobo?”

Lumabas siya ng kuwarto at tinungo ang maliit na kusina ni Mark.

“Ano ‘yan?”

“Nakarating ba sa kuwarto mo ang amoy ng adobong manok ko?”

“Oo, kaya nga napalabas ako eh, mukhang ang sarap niyan ah!”

“Oo naman.”

“Mahilig ka talaga magluto?”

“Mag-isa lang ako sa buhay kaya no choice ako kundi ipagluto ang sarili ko, wala naming karinderya dito sa kakahuyan.”

Natawa si Diwata.

“Ikaw Diwata, mahilig kang magluto?”

“Hindi ko alam, pero alam ko marunong akong magluto.”

“Nasubukan mo nang magsangag at magprito ng itlong nung isang araw, sa susunod subukan mong magluto ng ibang putahe, baka may maalala ka na dati mong niluluto.”

Napatitig si Diwata sa adobo. Hindi niya maabot, pero tila may bahagi sa utak niya na nagsasabing may kinalaman sa buhay niya ang adobo. Parang pamilyar na pamilyar ang amoy nito. At tila may tao na gustong-gusto ito.

Napapikit siya. Napansin iyon ni Mark.

“Diwata, okay ka lang ba?” (Itutuloy)