Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 445

Ika-4 na labas

“Pwede ba tulungan mo naman ako?” inis na sabi ng lalaki.

“Oo na, ano bang gagawin ko?”

“Pulutin mo na lang ang lahat ng kahoy na makikita mo, ako na ang bahala dito.”

“Teka, itong bang mga ito ang ginagawang uling?”

“Hindi, hindi lahat. Pero lahat ‘yan may silbi.”

“Okay.”

Pababa na sila sa bundok nang biglang kumulimlim.

“Naku naman, mukhang mamalasin pa yata tayo!” si Diwata na napatingala sa langit.

Hindi nga siya nagkamali dahil ilang saglit lang ay bumuhos na ang ulan. Tumakbo sila para makasilong kahit papa’no sa malaking puno ng mangga.

“Tingin mo hindi tayo mababasa dito?” reklamo ng babae.

“Ano ba sa tingin mo?”

“Buti pa maligo na lang tayo sa ulan?”

“Ano kamo?”

“Maligo sa ulan!”

Halos sabay silang napatingin sa mga nakuha nilang kahoy. Nababasa na ang mga ito.

Walang sabi-sabing hinubad ni Mark ang pang-itaas na damit niya at itinakip dito. Napalunok si Diwata. Kahit mukhang may edad na ang lalaki ay matikas pa rin ang pangangatawan nito na parang pagmamay-ari lang ng 25 years old na lalaki.

“Tingin mo hindi na mababasa ‘yan?”

“Mababasa pa rin pero kahit papa’no makakabawas.”

“Alam mo dapat kasi pinaghahandaan mo rin ang ganitong pagkakataon pag-aakyat ka ng bundok, mas okay siguro kung may dala kang plastic na malaki, kasi pag sako lang papasukin pa rin ng tubig.”

“Alam ko, nakalimutan ko lang kanina.” Pagsisinungaling ng binata. Pero ang totoo’y wala naman talaga sa isip niya ang pabago-bagong panahon. Deep inside ay ikinatuwa niya ang ideya ng babae.

No choice sila kundi maligo sa ulan dahil mas lumakas pa ang buhos nito. Nang biglang madulas si Diwata. Nabigla si Mark at sa pag-aalala ay nabitawan niya ang bitbit na sako ng kahoy at nagmamadaling tinulungan ang babae. Inabot niya ang kamay nito at inalalayan sa pagtayo.

“Salamat Mark.”

Napakunot ang noo ni Mark nang makita niyang natatawa pa si Diwata sa kabila nang pagkadulas nito.

“Anong nakakatawa? Hindi ka ba nasaktan?”

“Hindi masyado, pero tingnan mo, ang dami kong putik oh!”

“Hindi nakakatawa ang putik, tara na bago pa tayo abutan ng bagyo dito, at pwede ba mag-ingat ka naman!” inis na sabi ng lalaki habang kinukuha ang mga pinangahoy.

“Bagyo agad?” bulong ng babae.

Nauna na itong lumakad. Tinawag siya ni Mark.

“Yung benda mo.”

Tiningnan ng babae ang benda niya na nakalaylay na pala. Nilapitan siya ng binata at ito na mismo ang nagtanggal.

“Salamat Mark.”

“Okay na ‘yan.”

Sa wakas ay nakauwi rin ang dalawa.

“Sige mauna ka maligo, baka magkasakit ka pa.” si Mark.

Matapos maligo ni Diwata ay saka naman naligo ang lalaki.

Ang presko ng pakiramdam ni Diwata. Pumwesto siya sa terrace at ninamnam ang sariwang hangin matapos ang ulan. Subalit sa kabila ng ginhawang naramdaman ay naroon ang bigat ng isipan dahil sa hindi maalalang nakaraan.

Related Posts

“Lord, ibalik mo sa alaala ko kung sino ako… kung ano ang nakaraan ko… alam kong may dahilan ka kaya ako nandito ngayon, gusto kong malaman kung bakit…”

Hindi niya namalayan ang paglapit ni Mark.

“Nagdarasal ka ba?” tanong nito nang makita siyang nakapikit.

“Oo.”

Napailing si Mark.

“Naniniwala ka bang may Diyos?”

“Oo naman.”

“Pwes ako hindi, duda ko.”

“Sobrang bigat mo ng pinagdaanan mo kaya pinagdududahan mo siya?”

“A basta, may doubt ako sa kanya.”

Nagulat si Mark nang biglang hawakan ni Diwata ang kamay niya.

“Kahit nagdududa ka sa kanya, walang duda mahal ka pa rin niya, kasi ibinibigay niya lahat ang pangangailangan mo rito at iniingatan ka niya.”

Binawi ni Mark ang kamay at tumingin sa malayo.

Magkatulong na ibinilad nina Mark at Diwata ang mga nabasang kahoy nang umaraw kinabukasan.

“Pag natuyo na ba ang mga ito, mapapakinabangan na?”

“Kapag natuyo oo, pero tingin ko hindi pa ngayong araw.”

“Mark, ilang taon mo bang ginagawa ito?”

“Mula nang manirahan ako dito sa bundok.”

“E kelan yon?”

“Bakit ba kailangan mong malaman? Basta matagal na.”

“Okay…”

Saglit na katahimikan. Dinampot ni Diwata ang isang kahoy.

“Sa tingin mo ba kapag pinukpok ko ito sa ulo ko mababalik na ang alaala ko?”

Bahagyang napangiti si Mark.

“Puro ka kalokohan.”

“Anong kalokohan? Seryoso ako, diba gano’n kapag may amnesia, para makaalala dapat may matigas na bagay na ipupokpok sa ulo?”

“Teka nga muna, maski ba edad mo hindi mo matandaan? “

Hindi sumagot si Diwata.

“Kung mag-isip ka kasi para kang bata.” Nailing na sabi ni Mark.

Ipinagpatuloy nila ang pagkukuwentuhan sa gitna ng gawain.

Gabi. Napabangon sa sofa si Mark nang magbukas ng pintuan ng kwarto si Diwata.

“O, bakit gising ka pa?”

“Pasensya ka na ha, mukhang naabala ko ang pagmumuni-muni mo.”

Naupo sa sofa ang binata.

“May problema ba?”

“Wala naman…naalala ko lang kasi nabanggit mo kanina na maaga kang pupunta sa bayan, pwede ba’kong sumama?”

“Sumama? Ano naman ang gagawin mo ron?”

“Wala lang…”

“Kunsabagay, baka may makakilala sa’yo at para makabalik ka na rin sa inyo.” (Itutuloy)