Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-26 na labas

“Sigurado ka ba?”

“Tinulungan mo ko Baldo, kaya tutulungan din kita sa laban na’to… sige, hahayaan ko na muna si Glaiza, baka nga ‘yon ang mas mabuti para sa kanya. Pero sana bago siya umalis magkausap muna kami…”

“‘Yan tayo eh, sige susubukan ko kung magagawan ko ng paraan.”

Nagpatuloy sa pagkain ang dalawa.

Gabi.

Nilapitan ni Candy si Glaiza na nagbabasa ng libro sa kama nito.

“Mommy, I can’t sleep…”

“Gusto mo bang doon ako matulog sa room mo?”

“Okay lang po… hindi ako makatulog kasi iniisip ko kung bakit kailangan natin magpunta sa ibang bansa… diba sabi mo kailangan nating suportahan si daddy sa pagkandidato niya?”

Tiniklop ni Glaiza ang libro at hinarap ang anak.

“Yes baby sinabi ko nga ‘yon… pero kasi magulo ang pulitika, mas mapapanatag si daddy kung pansamantala ay ilalayo niya muna tayo. Pero babalik din naman tayo dito as soon as maging okay na ang lahat.”

“What’s wrong po ba mommy?”

“Candy, mahirap pang ipaliwanag sa’yo ngayon, pero baling araw maiintindihan mo rin.”
Hindi na nag-usisa pa ang bata. Nag-ring ang cell phone ni Glaiza.

“Wait lang, sasagutin ko muna ‘to.”

Si Mark ang tumatawag kaya dumistansya si Glaiza sa anak.

“Mahal ko masyado akong nag-alala sa’yo.” Si Mark.

“Alam ko, sorry kung hindi kita natawagan lately… Mark, okay na’ko naaalala ko na lahat…”

“Alam ko.”

“Paano mo nalaman?”

“Ikukuwento ko sa’yo lahat, pero pwede bang magkita tayo?”

Saglit na nag-isip si Glaiza.

“S-sige… may importante rin akong sasabihin sa’yo eh…”

Nagulat pa si Glaiza nang biglang sumulpot mula sa likuran niya si Candy.

“Mommy, who’s Mark?”

Related Posts

“Ahm, Candy, kaibigan siya ni mommy.”

“Pero narinig ko kayo ni daddy dati na pinag-aawayan n’yo siya?”

“Anak, marami ka pang hindi maiintindihan kaya saka ko na lang ipapaliwanag sa’yo. Basta don’t worry dahil hindi na ulit namin siya pag-aawayan ni daddy okay?”

“Okay po.”

Sa isang restaurant na hindi nakabilad sa publiko nagkita sina Mark at Glaiza.

“Mark, pumayag na ako sa kagustuhan ni Romel… doon na muna kami ni Candy sa New Zealand.”

“Gusto ko rin na malayo ka sa kapahamakan pati ang anak mo Glaiza, pero hindi ko gusto na magkalayo tayo nang tuluyan.”

“Alam ko Mark… nahihirapan din ako… pero hindi ko naman pwedeng talikuran ang pamilya ko para sa’yo…”

“Dahil ba nakakaalala ka na, kaya kakalimutan mo na lang ako?”

“Hindi gano’n, kahit kay Romel inamin ko mismo sa kanya na mahal pa rin kita… pero kailangan nating gawin ang tama.”

Hinawakan ni Mark ang kamay ni Glaiza.

“Magsisinungaling ako kung sasabihin ko sa’yo na kaya ko itong tanggapin… maaaring wala akong magagawa kung ‘yan ang desisyon mo, pero tandaan mo, mahal na mahal kita at kahit anong mangyari hindi na magbabago ‘yon.”

“Salamat. Kung naghihirap ang kalooban mo ngayon, ganoon din ako.”

Biglang tumunog ang cell phone ni Glaiza. Si Romel.

“Hon, kailangan kong pumunta sa Laguna, nasira lahat ang plano ko dahil may nagtimbre na sa mga hidden agenda ni Ate Marjorie doon.”

“Teka, bakit pupunta ka pa? Baka mapahamak ka lang do’n!”

“Glaiza, I-I don’t know what I’m gonna do now, after all she still my sister, basta gusto ko siyang puntahan, I don’t know if I’m going to hurt her or rescue her.”

“Nasaan ka ba ngayon, hintayin mo ako sasamahan kita!”

“No. Stay where you are right now, I have to go.”

Pagkasabi niyon ay nawala na sa linya si Romel.

“Mark, kailangan ko siyang puntahan.”

“Kung gusto mo ako na lang ang susunod do’n, poprotektahan ko ang asawa mo.”

“Pero ni wala ka ngang baril, at ayoko rin na mapahamak ka.”

“Alam ko ang ginagawa ko. Umuwi ka na at bantayan mo si Candy.”

Napapayag ni Mark si Glaiza na umuwi na lang. Pero hindi rin siya mapakali sa bahay.

“Manang, ikaw na munang bahala kay Candy ha, nandoon sila ng yaya niya sa kuwarto pakitingnan-tingnan na lang din.” (Itutuloy)