Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 445

Ika-25 na labas

“Nahulog daw sa banyo ng kuwarto nila, sa pagkakaintindi ko nagtangka yatang tumakas, bukod do’n wala na akong alam.”

Dahil sa sinabi ni Baldo ay lalong nag-alala si Mark.

“Pwede ba, pakawalan mo na muna ako, gusto kong puntahan si Glaiza.”

“Yan na nga ba sinasabi ko kaya ayaw itinali kita eh, mas mabuti siguro kung dito ka muna, ako na ang pupunta sa ospital para alamin ang kalagayan niya, delikado kasi kung malalaman ni Madam Marjorie na buhay ka pa, at pati ako malalagay sa alanganin.”

“Pero hindi ako mapapakali dito.”

“Mark, makinig ka na lang muna sa’kin.”

Sa ospital.

Nagmulat ng mga mata si Glaiza. Nakita niya ang anak at asawa sa tabi niya.

“Thank God nagkamalay ka na!” si Romel.

“Romel,a-anak…”

“Mommy!” yumakap agad si Candy sa ina.

Hinawakan ni Romel ang isang kamay ng asawa at hinagkan.

“Anong pakiramdam mo?… I-I’m sorry hon…”

“No worries, I feel fine… and m-mukhang naaalala ko na ang lahat…”

Nagkatinginan ang mag-ama.

“T-talaga?” hindi makapaniwala si Romel.

“Mommy ibig bang sabihin wala ka ng amnesia? Naalala mo na lahat ng memories natin nila daddy?”

Tumango si Glaiza. Bumaling si Romel sa anak.

“Candy, doon ka muna sa yaya mo ha, nandiyan lang siya sa labas, mag-uusap muna kami ni mommy.”

“Okay po!”

“And baby, please ‘wag mo munang sasabihin kahit kanino na wala ng amnesia si mommy okay?”

“Okay po daddy!”

Nang wala na ang bata ay naupo si Romel sa gilid ng kama ni Glaiza.

“Hon, meron ka bang gusto, tubig, pagkain?”

Umiling ang babae. May sumilay na luha sa mga mata.

“B-bakit?” nag-aalalang tanong ni Romel.

“Romel… akong dapat humingi ng tawad sa’yo…”

“Para saan?”

Related Posts

“Para sa nararamdaman ko… naalala ko na lahat Romel… kung gaano tayo kasaya noon… kung gaano kita minahal… kung pwede lang sana na pati ang nilalaman ng puso ko ay mabalik sa dati… pero…”

“Pero alaala mo lang ang bumalik Glaiza… hindi kasama ron ang damdamin mo para sa akin, gano’n ba?”

Hindi makasagot si Glaiza. Ni hindi siya makatingin ng diretso sa asawa. Nanlulumong napayuko naman si Romel.

Tumayo ito at nagpabalik-balik ng hakbang na tila nag-iisip ng sasabihin. Maya-maya ay muling lumapit kay Glaiza at hinawakan ang kamay nito.

“Hon, alalahanin mo akong mabuti, baka nabubulagan ka lang, ako ang asawa mo, ang tunay mong mahal at hindi ang lalaking ‘yon…”

Walang tugon mula kay Glaiza kundi mga luhang umagos sa mga mata. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ni Romel sa kamay ng asawa.

Sapat na ang katahimikang iyon para matiyak niyang tuluyan na siyang nabura ni Mark sa puso ng babaeng pinakamamahal niya

Muling tumayo si Romel at humakbang palabas, subalit tinawag siya ni Glaiza.

“Romel… I’m so sorry… patawarin mo ako…”

“Glaiza, mahal na mahal kita, ang nararamdaman ko ngayon, hindi ko kayang ipaliwanag, kung nagagalit ba’ko sa’yo, kung kaya ba kitang unawain o kung kaya kitang patawarin… basta ang alam ko, mahal kita at ayokong mawala ka sa amin ni Candy…”

“Wag kang mag-alala, hindi ako mawawala sa inyo…”

Nagulat si Romel.

“P-pero…”

“Oo, mahal ko siya, mahal ko pa rin siya hanggang ngayon… sinabi ko ‘yon sa’yo dahil ayokong magsinungaling sa’yo… ayokong lokohin ka… pero pinipili ko kayo ni Candy, dahil kayo ang pamilya ko… alam kong iyon ang tama… kasal tayo at ayoko rin na mawala sa akin ang anak ko… kaya mananatili ako sa tabi nyo.”

Dahil sa sinabi ni Glaiza ay napanatag na ang kalooban ni Romel. Nilapitan niya ito at niyakap ng buong higpit. Sapat nang manatili ito sa piling nila. Gagawin na lang niya ang lahat ng makakaya niya para mabawing muli ang pagmamahal nito.

Nang makauwi na sa bahay si Glaiza ay inilihim nilang mag-asawa na nakakaalala na siya. Naipagtapat na kasi niya kay Romel ang lahat ng nalaman niya noon at ang totoong nangyari sa kanya sa kakahuyan.

Sa loob ng kanilang silid.

“Rommel, kailangan nating pag-isipan ang mga gagawin natin.”

“Napag-usapan na natin ito sa ospital pa lang diba, ilalayo ko muna kayo ni Candy, sasabihin ko na lang na ayoko kayong madamay sa pagpasok ko sa pulitika, at saka ako gagawa ng hakbang para mapagbayaran ni Ate Marjorie ang mga kasalanan niya.”

“Pero Romel, hindi ko kailangan lumayo, kung gusto mo si Candy na lang ang ilayo natin, kailangan nating magtulungan.”

“No Glaiza, napahamak ka na nung una, ayoko ng maulit pa ‘yon.”

Hindi na nakipagtalo pa si Glaiza. Pero hindi rin niya maiwasang mag-alala para kay Romel. At ganoon din kay Mark na meron na ring nalalaman.

Agad ibinalita ni Baldo kay Mark ang nalaman niya habang kumakain sila ng hapunan.

“Hindi pa ito kumpirmado, ayon lang to sa tiyahin ko narinig daw niya pinag-uusapan ng mag-asawa na dadalhin yata ni Sir Romel sa New Zealand ang mag-ina niya.”

“Ano?”

“Relax ka lang, diba dapat maging masaya ka para kay Mam Glaiza dahil doon makakaligtas siya?”

“Oo nga pero…”

“Pero maiiwan ka niya, ano ba talaga ang inaalala mo, siya o yung meron kayo?”

Hindi makasagot si Mark.

“Tol, hayaan mo na muna si Mam Glaiza, kung ako nga sa’yo magtago ka na lang din muna.”

“Hindi. Magtutulungan tayo laban sa Marjorie na ‘yon.” (Itutuloy)