Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-24 na labas

“Hello Mark, nakapagdesisyon ka na ba?”

Nag-isip si Mark ng isasagot na hindi mapapahamak si Glaiza.

“Oo ang sagot ko, pero kailangan ko munang makausap si Glaiza, madadala mo ba’ko sa kanya?”

“Oh sure. Ipapa-book ko kayo sa isang hotel doon, pero after pa ng eleksyon. Hindi kasi pwedeng masira ang pangangampanya ng kapatid ko kung sakali.”

Biglang tumunog ang cell phone ni Marjorie.

“Excuse me Mark.” Dumistansya ito ng konti sa lalaki.

“Hello Mam Marj, may nakita kami sa cctv na nakapasok sa bodega nung araw nang pagbisita n’yo.”

“Sabihin mo sa’kin, sino ang pangahas?”

“Si Mark po.”

Napapikit at napahinga ng malalim si Marjorie. Ini-off nito ang cell phone at muling bumaling kay Mark.

“Hindi na ako magtatagal Mark, ngayong nalaman ko na ang sagot mo aasikasuhin ko na ang mga dokumento n’yo ni Glaiza.”

“Sandali, kailangan ko muna siyang makausap.”

“Wag kang mag-alala, makakausap mo siya.” Pagkasabi non ay tinalikuran na nito ang lalaki.

Paglabas ng bahay ni Mark ay may tinawagan sa cell phone si Marjorie.

“Akala ko sapat nang itapon ko sila sa ibang bansa para mawala ang tinik sa lalamunan ko, pero pakialamero rin pala ang lalaking ‘to, kaya magpapunta ka ng tao dito para patahimikin na’to, baka ito pa ang maglaglag sa’kin.”

Inis na sumakay ng kotse ang babae pagkatapos makipag-usap sa cell phone.

Samantala. Hindi mapakali si Glaiza dahil hindi pa rin bumabalik ng kuwarto si Romel. Dalawang araw na siyang nakakulong doon. Mabuti na lang at may banyo sila sa loob ng kuwarto.

“Kailangan kong makausap si Romel… kailangan niyang malaman kung anong nalaman ko tungkol sa ate niya… pero paano kung hindi niya ako paniwalaan o kaya naman mas malagay pa siya sa kapahamakan kapag nalaman niya? Oh God help me…”

Ilang ulit niyang idinayal ang cell phone number ng asawa pero hindi niya ito makontak. Sa tuwing hahatiran naman siya ng pagkain ni manang ay mabilis na mabilis lang ito at nakikiusap na wag siyang lalabas kundi ay si manang ang malilintikan.

“Kailangan kong tumakas, kung matutuklasan ng mga pulis ang shabu lab na ‘yon nang hindi nalalaman ni Romel, baka sakaling makaligtas sila… dahil kung si Romel mismo ang magsusuplong sa ate niya, baka mas mapahamak pa sila… ayaw ko rin naman na si Mark ang magsumbong sa mga pulis, siguradong malalagay din siya sa peligro… kaya ako na lang ang gagawa ng paraan…”

Naghahanap ng paraan si Glaiza para makatakas. Habang nag-iisip siya ng paraan ay naiisip rin niya si Candy.

“Lord, anuman ang kahinatnan ng mga desisyon ko, ‘wag mo po sanang pababayaan ang anak ko…” panalangin niya sa altar.

Maya-maya pa ay naisip niya ang banyo. Tinungo niya ito at sinipat-sipat kung may pwede siyang daanan.

Related Posts

“Masyadong makitid ang bintana, kakasya kaya ako?”

Sinubukan niyang umakyat. Sa tingin niya ay kaya naman niyang talunin kahit pa may kataasan ito. Dahan-dahan niyang inilusot ang sarili sa makitid na bintana.

“Kaya mo ‘yan Glaiza… konti na lang…”

Nang ‘di sinasadya’y nagkamali ng tapak ang isa niyang paa at nahulog siya.
“EEEEEEEE!”

Dahil nga sa may kataasan ang kinahulugan niya ay nawalan siya ng malay.

Nagmulat ng mga mata si Mark na nasa loob na siya ng isang madilim at masikip na lugar.

Nakaupo sa isang silya, nakagapos ang mga kamay at may busal sa bibig. Iniikot niya ang paningin sa paligid.

“Umph! Umph!”

Pilit siyang nagpupumiglas sa pagkakagapos. Sigurado siyang si Marjorie ang may kagagawan nito. Sa pagkakatanda niya ay may kumatok muli sa bahay kagabi at agad pinukpok ang ulo niya.

Dahil sa sitwasyon niya ay naalala niya si Glaiza. Nag-aalala siya para rito.

Nasa ganoon siyang pag-iisip nang biglang bumukas ang pintuan. Bumungad si Baldo at sumenyas agad ito na ‘wag maingay. Agad ini-lock ni Baldo ang pinto. Nagtataka at nagtatanong ang tingin na ibinato sa kanya ni Mark.

Lumapit si Baldo sa lalaki.

“Ako si Baldo. Pinapunta ako ni Madam Marjorie sa apartment mo kahapon para iligpit ka, nalaman kasi niya na nakapasok ka sa bodega. Bakit naman kasi ginawa mo pa ‘yon? Okay na sana ‘yung plano niya na itapon na lang kayo sa ibang bansa eh.”

Tinanggal ni Baldo ang busal sa bibig ni Mark para makapagsalita ito.

“Bakit ba niya gustong mawala si Glaiza?”

“K-kasi, si Mam Glaiza, marami siyang nalaman noon tungkol sa hidden agenda ni Mam Marjorie, mabuti na nga lang at nakaligtas siya at nagka-amnesia, dahil kung hindi baka nakaligpit na rin siya ngayon… at ngayong may alam ka na rin, pareho na kayo ni Mam Glaiza na nasa peligro.”

“Kung gano’n , bakit hindi mo pa’ko pinatay? At nasaan ako?”

“Nandito ka sa bahay ng tiyahin ko, kagabi nu’ng pinukpok kita, inilagay kita sa sako palabas at katulong ang pinsan kong si Edmund dinala ka namin dito. Kaya kita isinilid sa sako para kung sakaling pinapamanmanan ako ni Madam e makita niya na niligpit talaga kita.”

“Bakit mo nga ako tinutulungan?”

“Dahil hindi talaga ko masamang tao, ang totoo nga niyan bayaran din ako ni Sir Romel para manmanan ang bawat kilos ni Mam Marjorie.”
Nabigla si Mark.

“Kung gano’n bakit hindi mo pa siya isup­long?”

“Naghahanap pa’ko ng tamang tiyempo at saka kailangan ko munang mailayo ang pamilya ko para kung sakali eh hindi sila madamay.”

“Magtulungan tayo Baldo.”

“Iyan din ang gusto kong mangyari kaya kita iniligtas. Kaya lang may problema…”
“Ano ‘yon?”

“Sabi kasi ng tiyahin ko, si Mam Glaiza nasa ospital ngayon.”

“Ano? Bakit anong nangyari?” (Itutuloy)