Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-23 na labas

Isinara ni Glaiza ang laptop at sumandal sa upuan.

“Ano bang dapat kong gawin… mananahimik na lang ba’ko o aalamin ko pa ang katotohanan sa likod ng mga balitang ito? …kung magsasawalang kibo ako baka pagdating ng oras ay madamay pa ang pamilya ko… pero anong paraan naman ang gagawin ko para masiguro ko ang kaligtasan namin?”

Tumayo si Glaiza at nagpalakad-lakad.

“Kung napahamak ako dati… siguradong may nagtangka sa buhay ko at posibleng may kinalaman dito?”

Nasa ganoong pag-iisip si Glaiza nang tumunog ang cellphone niya.

“Hello, Mark?”

“Glaiza, may nalaman ako. Kailangan nating magkita.”

“Pupunta na lang ako diyan, pero bukas na kapag umalis si Romel. Teka, pwede bang sabihin mo na sa akin dito sa phone?”

“Tungkol ito kay Marjorie, nakita ko siya kanina na bumisita sa bodega nila, nakapasok ako ng palihim at natuklasan ko na hindi lang iyon basta bodega, kundi isang shabu lab. Glaiza, mag-ingat ka.”

Nabigla si Glaiza.

“Mark, wag mo na ulit gagawin ‘yon, baka mapahamak ka… sige pupunta ako diyan mag-usap tayo.”

“Ano kaya kung ako na lang ang lumuwas diyan, para hindi ka na mahirapan?”

“Ikaw ang bahala, sige magtext na lang tayo, baka may makarinig pa sa pag-uusap natin dito.”

“Okay…I love you.”

“I love you too… bye.”

Lingid kay Glaiza, malinaw na narinig ni Romel ang bawat sinabi niya sa kausap sa cellphone. Nakakubli ito sa likuran ng divider ng sala.

Napapikit si Romel saglit at nagtiim bagang. Kasabay nito ang pagkuyom ng palad.

Hanggang sa hindi na nito napigilan ang emosyon. Lumabas siya mula sa pinagkukublihan at mabilis na hinablot ang buhok ni Glaiza. Labis ang pagkabigla ng babae.

“ROMEL!”

“WALANGHIYA KANG BABAE KA! HANGGANG NGAYON BA NILOLOKO MO PA RIN AKO?”
Walang-awang kinaladkad ni Romel papasok sa silid nila ang babae.
“Romel please, nasasaktan ako!”

Related Posts

Isinalya niya ang asawa at bumagsak ito sa kama.

“Bakit ako Glaiza, hindi ba ako nasasaktan? Nasasaktan ako sa ginagawa mo!”

“Patawarin mo ako Romel, pero mahal ko talaga si Mark, kahit anong gawin ko hindi ko na maalala ang pagmamahal ko sa’yo.”

Isang malakas na sampal ang pinadapo ni Romel sa pisngi ng asawa dahil sa sinabi nito.
“Sige saktan mo ako, kung gusto mo patayin mo ako, pero hindi kita kailanman niloko, hindi ako nagsinungaling sa’yo, hindi ko ginustong mapahamak ako at magka-amnesia at umibig sa iba! Magsisinungaling lang ako sa’yo kung sasabihin kong ikaw na ulit ang mahal ko gayong hindi ko naman ito nararamdaman! Oo, natagpuan mo ako at naibalik mo ako sa pamilyang ito, pero hindi ko mabago ang nararamdaman ko, kahit anong pilit ang gawin ko…” kasunod noon ang pag-iyak ni Glaiza.

Napaupo sa sahig si Romel sapo ang noo. Tahimik din itong umiyak pero pagkuwa’y tumayo at isinara ang pinto.

“ROMEL! ROMEL!”

Ini-lock ni Romel sa labas ang pinto ng kuwarto. Siniguro niya na hindi makakaalis doon ang asawa.

“Romel buksan mo ang pinto! ROMEL!”

Nanlulumong napasandal si Glaiza sa pintuan. Muli niyang tinawagan si Mark at sinabi rito ang nangyari.

“Pupuntahan kita diyan, hindi ka niya pwedeng ikulong!”

“Mark, sa mata ng Diyos at sa mata ng mga tao, asawa niya ko… sinabi ko lang ito sa’yo para hindi mo na’ko hintayin bukas. Pero nakikiusap ako na hayaan mong lutasin ko ang problema ko at kung pwede ‘wag ka na munang babalik sa bodega para mapanatag ako. Ayoko ring mapahamak ka.”

“Sige, susundin ko ang sinabi mo, pero kung kailangan mo ng tulong ko, tawagan mo ako agad. Nag-aalala ako para sa’yo.”

“Oo, mahal ko…”

Pagkasabi niyon ay ibinaba na ni Glaiza ang cellphone.

Dinner.

“Daddy bakit wala si mommy, hindi ba siya kakain?”

“Pahahatiran ko na lang siya ng dinner kay manang, masama kasi ang pakiramdam ni mommy eh.” Pagsisinungaling ni Romel.

“Okay po, e kung ako na lang kaya ang maghatid sa kanya ng food?”

“No Candy, si manang na lang, tapusin mo na ang pagkain mo and then matulog ka na okay?”

“Okay po.” Malungkot na tugon ng bata.

Nang sumunod na araw. Hindi mapakali si Mark. Nag-aalala siya kay Glaiza. Baka kung anong magawa ni Romel dito.

“Kailangan ko siyang puntahan…”

Agad siyang nag-impake para paghandaan ang pagluwas niya sa Maynila. Subalit bago pa man lumubog ang araw ay muli siyang pinuntahan ni Marjorie. (Itutuloy)