Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-22 na labas

“Sigurado ka ba?”

“Syempre hindi ako sigurado, pero wala naman akong makitang dahilan para gawan niya nang masama ang pamilya ko at nu’ng mawala ako dati wala namang nangyaring masama sa asawa’t anak ko… ang hindi ko lang maintindihan kung bakit ayaw niya sa’kin… kung bakit gusto niya akong mawala sa pamilyang ‘to…”

“Kailangan mong malaman ang dahilan Glaiza. Kumausap ka ng mga tao diyan na maaaring nakakaalam ng sitwasyon nyo bago ka pa nawala at nagka-amnesia.”

“Sige, gagawin ko ‘yan.”

Pagkababa ng phone ay siyang lapit naman ni Candy sa ina.

“Mommy.”

“Hello my baby!”

“Bakit palagi pong wala si daddy nitong mga nakaraang araw?”

“Busy kasi si daddy mo, naghahanda na siya para sa pangangampanya.”

“Tutulungan po ba natin si daddy?”

“Syempre naman, sasamahan natin siya kapag nangangampanya na siya.”

“Sige po.”

Napatingin si Glaiza sa matandang kasambahay na naghuhugas ng mga plato. Muli siyang bumaling sa anak.

“Candy, doon ka muna sa room mo ha, tutulungan ko lang si manang.”

“Opo mommy, pero pagkatapos po mag-drawing po tayo ha!”

“Sure baby!”

Pagtalikod ng anak ay nilapitan ni Glaiza ang matanda.

“Manang tulungan ko na ho kayo.”

“Ay mam ‘wag na po, kayang-kaya ko naman ang mga ito.”

“Ah, sige po. Hindi po ba kayo napapagod?”

“Sanay ho ako sa mga gawaing bahay at saka trabaho ko ho ito.”

“Ahm, okay.”

Saglit na namagitan ang katahimikan, ang matandang babae ang bumasag niyon.

“E mam, sure na ho ba si sir sa pagtakbo bilang mayor?”
“Bakit n’yo po naitanong?”

“E kasi, ‘di ba ayaw na ayaw mo noon na pumasok siya sa pulitika?”

Natigilan si Glaiza.

“T-talaga po ba?”

“Mam, alam ko hong may amnesia kayo, pero kung maaalala n’yo lang lahat, baka ho hindi n’yo payagan si sir ngayon na kumandidato.”

Luminga muna sa paligid si Glaiza bago tumugon sa sinabi ng matanda.

“E manang, pwede ho bang sa ating dalawa na lang, ano ho bang kailangan kong malaman?”

Luminga muna rin ang matanda bago sumagot.

Related Posts

“E kasi ho ‘di ba si Mam Marjorie, marami ho ‘yang nakabinbin na kaso, kaya ho pinipilit niyang tumakbo si Sir Romel ay para magamit niya ang posisyon nito. Saka higit sa lahat, hindi po kayo magkasundo ni Mam Marjorie mula pa man nu’ng una.”

“G-ganon ba… teka, ano naman ‘yung mga kasong ‘yon?”

“May kinalaman po sa drugs… ang inaalala ko po baka madawit si sir pag nagkataon.” Halos pabulong na sabi ng matanda.

Nabigla si Glaiza sa nalaman.

“Mam, ako na ang nag-alaga kay Sir Romel mula pa nu’ng maliit siya, kaya ayoko naman na mapahamak siya.”

“Tingin mo ba, totoong may kinalaman nga si Marjorie sa drugs?”

“‘Yung pamangkin ko hong si Baldo, isa na siya ngayon sa mga tauhan ni Mam Marjorie, kaya natitiyak ko na may kinalaman nga si Mam Marjorie.” Mahinang-mahinang sabi ng matanda.

Napalunok si Glaiza.

“E si Romel at si papa, may kinalaman rin ba sila?”

“Kay Sir Romel nasisiguro kong wala, pero ang papa n’yo, hindi ko matiyak.”

Napahugot ng malalim na hininga si Glaiza.

“Mam, tulad ng sinabi n’yo, sa atin na lang po itong dalawa, ayoko rin naming madamay at baka mawalan pa ako ng trabaho. Kung gusto n’yo, mag-imbestiga ho kayo ng lihim.”

“‘Wag kang mag-alala manang, hindi kita ipapahamak.”

Gabi.

Habang magkatabing nakahiga sa kama nila sina Romel at Glaiza.

“Romel, sigurado ka na ba sa pagtakbo mo?”

Ibinaba ni Romel ang binabasang libro. Tinanggal ang salamin at saka bumaling sa asawa.

“‘Di ba napag-usapan na natin ‘to, bakit bigla kang nagtanong ngayon?”

“Wala naman. Gusto ko lang kasi na maging masaya ka sa desisyon mo.”

“Matagal na akong kinukumbinsi nina papa at Ate Marj, siguro panahon na para pgbigyan ko naman sila… kung hindi palarin e ‘di okay lang, at least napagbigyan ko sila.”
“Okay.”

“Hon, ‘wag kang mag-alala, kaya kong ingatan ang sarili ko sa pulitika.”

“E si Ate Marj, bakit hindi siya tumakbo, mukhang maganda naman ang record niya?”

Natigilan si Romel. Sa isip niya, wala pa nga talagang maalala ang asawa dahil hindi pa bumabalik sa isip nito ang hindi magandang record ni Marjorie.

“Alam mo kasi hon, s-si Ate Marjorie… may mga nakabinbin siyang kaso, pero puro bintang lang naman ‘yon, wala pa namang napapatunayan, kaya sa oras na malinis ang pangalan niya sigurado ako papasok ulit ‘yon sa pulitika.”

“Ulit?”

“Oo, tumakbo siyang konsehal, pero dahil nga sa mga ikinaso sa kanya na may kinalaman sa drugs kaya hindi siya nanalo.”

“Gano’n ba…”

“Hon, makakaasa ba ako ng full support mula sa’yo?”

“O-oo naman…”

Pagkarining no’n ay niyakap ni Romel ang asawa.

Lingid kay Romel ay palihim na nag-research si Glaiza tungkol sa mga kaso ni Marjorie. Sa tulong ng social media ay nahalungkat niya ang mga balita tungkol sa nakabinbing kaso nito.

Gamit ang laptop nila sa bahay ay nakakuha si Glaiza ng ilang impormasyon.

“Pinaghihinalaan pala siyang drug dealer…drug lord… tsk, tsk, ang bibigat ng kaso pero parang wala lang. Siguradong may malaking tao rin na nasa likod niya…” (Itutuloy)