Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-2 na labas

“Sandali, may nakakatawa ba sa sinabi ko?”

Umiling ang babae.

“E bakit ka nakangiti?”

“Wala naman. Natutuwa lang ako kasi kahit wala akong maalala, may mabuting tao na handang tumulong sa’kin.”

“Diwata, ngayon lang tayo nagkita at hindi pa natin kilala ang isa’t isa kaya wag ka munang magtitiwala.”

“Pero sinabi mo na hindi ka masamang tao.”

“Hindi porket sinabi ko ay paniniwalaan mo na agad.”

“Okay.”

“At saka pilitin mo ang sarili mo na may maalala ka, kasi hindi ka naman pwedeng magtagal dito, baka hinahanap ka na rin sa inyo.”

Patalikod na sana ang lalaki nang tawagin siya ng dalaga.

“Mark.”

Nilingon niya ito.

“S-salamat ulit…”

Hindi na tumugon ang binata. Lumabas ito ng kubo.

Malalim na ang gabi. Pabiling-biling sa sofa si Mark. Hindi siya makatulog. Iniisip niya kung dapat ba niyang ipagbigay alam sa pulisya ang babaeng nakuha niya sa kakahuyan o hahayaan na lang niya itong pansamantalang mamalagi sa poder niya hanggang sa may maalala ito.

Pero paano kung matagalan bago ito makaalala? Paano niya malalaman kung sino ito at ano talaga ang nangyari dito?

Bumangon si Mark. Nagtungo siya sa terrace at doon ipinagpatuloy ang pag-iisip.

Samantala, sa loob ng kuwarto ay hindi rin makatulog si Diwata. Pilit niyang inaalala kung sino siya. Naroong pumikit at dumilat siya subalit ni katiting na nakaraan ay wala siyang makita sa isip.

Related Posts

Sa halip ang tanging naalala lang niya ay ang pagmulat ng mga mata niya sa bahay na ito. Bukod doon ay wala na siyang mapiga sa utak niya.

Tumayo siya. Naisip niyang magpahangin sa terrace. Subalit napigil ang paghakbang niya nang makita niyang naroon din si Mark. Naramdaman nito ang presensya niya kaya lumingon ito sa kanya.

“O, bakit hindi ka pa natutulog?” tanong ng lalaki.

“H-hindi ako makatulog…”

“Bakit, mainit ba malamok?”

Umiling ang babae.

“Nag-iisip kasi ako… pero wala talaga akong maisip sa nakaraan ko…”

“Halika lumapit ka.”

Humakbang palapit si Diwata.

“Diwata, huwag mong pwersahin ang sarili mo, kusang babalik ang memorya mo maghintay ka lang.”

“Paano kung matagalan?”

“Hindi ko alam. Siguro, dapat na tayong lumapit sa mga pulis para mahanap nila ang mga kamag-anak mo o kung sinumang nakakakilala sa’yo.”

“Sige, pero bigyan mo muna ako ng ilang araw, baka sakaling hindi ko na kailanganin ang tulong nila…”

Napaisip si Mark.

“Bakit, natatakot ka bang lumapit sa mga pulis? Ayaw mo bang malaman agad kung sino ka?”

“Hindi sa gano’n…naisip ko kasi kung natagpuan mo akong may tama ng baril at walang malay sa kakahuyan, siguradong nasa panganib ako…”

“Posible ‘yan…”

“Basta parang iba ang pakiramdam ko eh… wala akong maalala pero parang may takot sa dibdib ko…”

Humugot ng malalim na paghinga si Mark bago muling nagsalita.

“Okay, para mapanatag ka, sige dito ka lang muna hanggang sa may maalala ka. Pero bilang kapalit ng pagtira mo dito, kailangan mo akong tulungan sa pangangalakal ko.”

“Ng ano?” (Itutuloy)