Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-19 na labas

“Kumusta ang lakad mo?”

“Nakapag-usap naman kami ng maayos ni papa…actually nakumi­binsi nga niya akong ipagpatuloy ang plano kong pagtakbo sa eleksyon…I mean, plano nila.”

“Hindi ka masaya ‘di ba?”

Umiling ang lalaki.

“Hindi na importante kung masaya ako o hindi.”

Lumapit si Glaiza sa asawa.

“Romel, bakit mo gagawin ang isang bagay na hindi naman makakapagpasaya sa’yo at hindi bukal sa loob mo.”

“Matagal na nilang gusto na gawin ko ito, at since ako yung may pinakamalinis na record sa angkan namin kaya ako ang pinu-push nila.Isa pa, matanda na si papa, ito na raw ang huling kahilingan niya sa ‘kin. But don’t worry, I’m okay, as long as nandito kayo ni Candy sa tabi ko.”

Napabuntong hininga si Glaiza. Tiningnan siya ni Romel.

“What about you?”

“Anong ibig mong sabihin?”

“Umalis ka raw kaninang umaga pag-alis ko at pagbalik mo nagkulong ka na dito sa kuwarto…pinuntahan mo ba siya?”

Hindi makaimik si Glaiza. Hindi niya gustong saktan si Romel pero hindi rin niya gustong magsinunga­ling dito.

“I-I’m sorry…”

Si Romel naman ang napabuntong hininga. Naupo ito sa kama at isinubsob ang mukha sa dalawang kamay.

“Romel…h-hindi ko na ulit siya pupuntahan…”

Nag-angat ng mukha ang lalaki at tumingin sa asawa.

“Talagang hindi mo na gagawin ‘yon Glaiza. Dahil hindi ko alam kung anong magagawa ko kapag nakipagkita ka pa ulit sa kanya.”

Dinner.

Nagsasalit ang tingin ni Candy sa mommy at daddy niya. Kapwa tahimik ang mga ito sa pagkain.

“Mommy, daddy, pwede po bang mag-bonding tayo sa labas like swimming or out of town?”

“Iyan talaga ang balak ko anak, pero hindi pa sa ngayon, kasi may mga session pa si mommy mo kay Doctor Mendez.” Sagot ni Romel.

“Gano’n po ba, e ‘di kahit sa mall na lang muna po?”

Halos sabay na tumingin ang mag-ama kay Glaiza.

Related Posts

“Okay, sa ‘kin.” Tugon niya.

“ Daddy okay daw kay mommy!”

“Kung okay sa mommy e ‘di okay na rin sa akin.”

“Yehey!”

Habang pinipilit ni Glaiza na maging masaya sa piling ng kanyang pamilya ay pinipilit naman ni Mark na kalimutan siya. Pero napakahirap iyong gawin para kay Mark. Nababalot ng lungkot ang puso niya. Kahit anong gawin niya at kahit saan siya tumingin ay mukha ni Glaiza ang nakikita niya.

“Umalis ka na! umalis ka na sa buhay ko kaya umalis ka na rin sa puso ko!” sigaw ng binata.

Nagwala siya. Ibinalibag ang lahat ng nahawakan. Nang mapagod ay lumupasay sa sahig na parang bata.

Sakay ng kotse ay kausap ni Marjorie ang pinagkakatiwalaan niyang tauhan na si Lando.

“Since nakumbinsi na namin ni papa si Romel na tumakbo sa eleksyon, hindi na muna tayo kikilos laban kay Glaiza, asikasuhin niyo na muna ang bodega natin sa Laguna.”

“E mam, pa’no po kung biglang mawala ang amnesia ni Ma’m Glaiza at maalala ang ginawa natin sa kanya, ‘di ba pinapagamot na siya ngayon ni Sir Romel?”

“Pwede ba manahimik ka muna! Alam ko ang ginagawa at gagawin ko. Ako na munang bahala sa kanya.”

Hindi na nakasagot ang kausap dahil ibinaba na ni Marjorie ang phone.

Mula sa pangangahoy ay nadaanan ni Mark ang dating kinatitirikan ng bahay niya. Isa na nga iyong mala­king bodega. Na-curious siya kaya nagkubli siya sa isang malaking puno para manmanan ang mga tao sa paligid no’n.

“Anong bodega kaya ‘yan?”

Nakita niyang may baril na nakasuksok sa likurang pantalon ng isang lalaki.

“Bakit kailangan pang may baril, at saka saradong-sarado at maraming bantay…”

Napapaisip si Mark. Tila may naaamoy siyang hindi maganda.

Kahit nakauwi na ng bahay ay hindi pa rin mapakali si Mark. Paano kung talagang may anomalyang nagaganap sa kakahuyan na ‘yon? Mananahimik na lang ba siya?

Isa pa, ang Marjorie na kapatid ni Romel ang siya raw nagmamay-ari no’n ayon kay kapitan. Kung may hindi magandang kaganapan doon ay posibleng may kinalaman din ang Romel na ‘yon at ‘pag nagkataon ay posible ring madamay si Glaiza.

“Kailangan kong malaman kung ano talaga ang nasa loob ng bodegang ‘yon.”

Kinabukasan. Nabigla si Mark nang muli na naman niyang maging bisita si Glaiza.

“Glaiza!”

“I’m sorry Mark, pero hindi ko mapigilan ang sarili ko. Sinabi ko na kay Romel na hindi na ako babalik dito at nangako na rin ako sa sarili ko pero…”

Hinila ni Mark ang babae papasok sa loob ng bahay.

“Glaiza, inilalagay mo lang ang sarili mo sa peligro.”

“Natatakot ka ba?” (Itutuloy)