Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 447

Ika-18 na labas

At si Romel, sisiguraduhin niya na maaangkin niyang muli ang asawa at wala ng iba pang magmamay-ari dito. Sisiguraduhin niya na muli nitong mararamdaman ang pagmamahal niya. Ang pagmamahalan na dati ay kapwa nasa mga puso nila.

Subalit habang hinahayaan ni Glaiza na maangkin siya ni Romel ay nasa isip niya si Mark. Hindi niya sinasadya pero ito ang naiisip niyang kaniig niya sa mga sandaling iyon.

Hindi makatiis si Glaiza. Hinahanap-hanap talaga niya si Mark. Hindi niya ito gustong maramdaman pero nababalot siya ng kalungkutan at hindi niya kayang dayain ang puso niya.

Kaya nang araw ding iyon ay tumakas siya. Gusto niyang makita si Mark kahit saglit lang.
Samantala.

Isinusubsob ni Mark ang sarili sa trabaho. Ayaw niyang bigyan ng pagkakataon ang sarili na isipin si Diwata o Glaiza. Alam niyang wala ng patutunguhan ang nararamdaman niya para dito. Kaya naman ilalaan na niya ang buong oras para sa sarili at tatanggapin na niyang nakatakda siyang mag-isa hanggang sa huling sandali ng buhay niya.

Subalit nang umagang iyon ay hindi niya inaasahan ang magiging panauhin.

“Glaiza?”

“Ako pa rin ito Mark, si Diwata.”

Pinapasok niya ang babae.

“Diwata or Glaiza, hindi ka dapat nagpunta dito.”

“Hindi ka ba natutuwa na makita ako ulit?”

Naupo sa sofa si Mark.

“Glaiza, matuwa man ako o hindi, wala na tayong magagawa…ito ang ibinigay sa atin ng kapalaran…tanggapin na lang natin na hindi tayo para sa isa’t-isa…”

Naupo si Glaiza sa tabi niya.

“Hindi mo na ba ako mahal Mark?”

Tumayo ang lalaki at saglit na nag-isip bago sumagot.

“Hindi mo na dapat tinatanong sa’kin ‘yan. Kasal ka, may asawa, may anak, sila na lang ang mahalin mo…”

Nagulat si Glaiza. Hindi niya akalaing maririnig niya iyon mula sa mga labi ni Mark.

“Iyan ba talaga ang gusto mong sabihin sa’kin…iyan ba talaga ang nasa puso mo?”

Tumalikod si Mark.

“Ni hindi na nga tayo dapat nag-uusap eh..”

Tumayo si Glaiza at nilapitan ang lalaki.

“Mark, hindi mo na ba’ko mahal?” ulit ni Glaiza sa tanong niya kanina.

Saglit na katahimikan ang naghari. Labag man sa kalooban ay kailangan gawin ni Mark ang sa tingin niya ay nararapat.

“Glaiza, mahal kita, minahal kita pero bilang kaibigan lang…”

“A-anong ibig mong sabihin?”

Humarap si Mark sa babae.

“Lalaki ako, babae ka…patawarin mo ako kung sinamantala ko ang pagkakataon nung nasa poder kita…hindi talaga kita gusto…gusto lang kita dahil nagagamit kita, dahil napapakinabangan kita…I’m sorry…”

Hindi mkapaniwala si Glaiza.

“So, lahat ng ipinaramdam mo sa’kin…lahat ng mga sinabi mo, walang katotohanan?”

Hindi sumagot ang lalaki. Hinihintay na lang niya na sampalin siya ni Glaiza, saktan at pagsalitaan ng masasakit. Pero wala ng iba pang lumabas sa bibig ng babae maliban sa tingin nito na puno ng katanungan.

Nanatiling nakayuko si Mark hanggang sa magsimulang humakbang si Glaiza palabas ng bahay. Marahan ang mga paghakbang na ‘yon. Tila walang kasiguraduhan kung saan pupunta. Mabigat na mabigat ang dibdib ni Glaiza. Pakiramdam niya ay gumuho ang buong mundo sa kanya at sa pagkakataong iyon ay nahiling niya na sana ay magka-amnesia siyang muli sa ikalawang pagkakataon nang sa gayon ay makalimutan agad niya si Mark at ang sakit na dulot nito.

Parehas din ang nararamdaman ni Mark. Subalit mas lalo lang silang mahihirapan ni Glaiza kung pipiliin nilang yakapin ang pag-ibig na hindi nila maaring angkinin. Kailangan niyang pakawalan si Glaiza sa anumang paraan gaano man ito kasakit. Kahit pa magsinungaling siya dito.

“Paalam Diwata…ikaw na si Glaiza ngayon…at hindi ka na akin…”

Nang makauwi sa bahay ay nagkulong sa kuwarto si Glaiza. Sobrang sakit ng mg narinig niya mula mismo sa bibig ni Mark. Pero ayaw itong paniwalaan ng puso niya.

“Hindi…nagsisinungaling siya…gusto lang siguro niyang layuan ko siya alang-alang sa pamilya ko…pero hindi siya nagsasabi ng totoo…alam kong minahal niya ko…naramdaman ko ‘yon at alam kong mahala pa rin niya ako…” kumbinsi ni Glaiza sa sarili.

Sige lang ang patak ng mga luha niya. Subalit agad-agad niyang pinunasan ang mga mata nang biglang bumukas ang pintuan.

Si Romel.

“Glaiza, sabi ni Candy kanina ka pa raw hindi lumalabas ng kuwarto, it’s already dinner.”
Iba ang isinagot ng babae. (Itutuloy)