Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-16 na labas

Hindi namalayan ni Mark na may luha na rin palang pumatak sa pisngi niya mula sa mga mata.

Sa loob ng kotse, yumakap si Candy sa beywang ng ina.

“Mommy, na-miss kita ng sobra, kuwentuhan mo ko kung anong nangyari sa’yo pagdating natin sa bahay ha?” buong paglalambing na sabi ni Candy.

Tumango si Diwata. Nagkatinginan sila ni Romel sa car mirror. Umiwas siya ng tingin dito.
Pagdating sa bahay.

“Candy, you go to your room muna ha, mag-uusap lang kami ni mommy and then later magdi-dinner tayo together tapos pwede mo ng kausapin ang mommy mo, okay?”
Tumango ang bata.

“Okay po daddy!”

Pagkasabi niyon ay humalik ito sa ina at pumasok na sa kuwarto.

Naiwang nakatayo sa living room ang mag-asawa.

“Look Glaiza, welcome home!”

Luminga sa paligid ang babae.

“Ang lahat ng nakikita mo rito, pag-aari natin, bawat sulok ng bahay na’to meron tayong magandang alaala.”

Napahinga ng malalim si Diwata. Hinawakan ni Romel ang kamay niya.

“Honey, ako ‘to si Romel, ang lalaking pinakasalan mo… ang asawa mo… ang ama ng anak mo…pwede bang alalahanin mo kami ni Candy sa puso mo kung ‘di man kami makilala ng utak mo…”

Hindi makakibo si Diwata. Ipinikit niya ang mga mata at muling iminulat. Hindi siya nanana­ginip lang. Nandito na siya sa katotohanan ng buhay niya. Ang buhay ng isang babaeng may pamilya.

“I-I’m sorry…”

Niyakap ni Romel ang asawa at isinandal sa dibdib niya.

“It’s okay… maaalala mo rin kami. Bukas na bukas rin dadalhin kita kay Doctor Mendez.”

Sa harap ng hapunan, tahimik na kumakain si Diwata kasalo ang mag-ama niya.

“Mommy, why are you so quiet?”

“Candy, hindi pa magaling si mommy, hayaan mo lang muna siya ha.” Si Romel ang sumagot.

Hindi na umimik ang bata pero halata ang lungkot sa mukha.

Matapos kumain ay humiling si Candy na sa tabi na muna niya matulog ang mommy niya.

umayag naman si Romel. Naiintindihan niya ang kasabikan ng anak sa ina.

“Lika mommy, ito ang room ko, natatandaan mo ba, kinakantahan mo ako bago matulog?”
Lumapit si Diwata kay Candy at naupo sa gilid ng kama nito.

“Ano naman ang kinakanta ko sa’yo?”

“‘Yun pong lullabye na hmmm, hmmm, hmmm…”

“Bakit walang lyrics?”

Related Posts

“Ewan ko po sa inyo mommy, pero natatandaan ko pa po ang tono, basta nagha-hum lang po kayo lagi ng gano’n hanggang sa makatulog ako.”

“Ahh…”

Saglit na katahimikan.

“Maganda ang room mo.”

“Ikaw ang nag-ayos nito mommy!”

“T-talaga?”

“Opo, sky blue ang pinili mong color para sa’kin, kasi sabi mo magaan at malamig sa pani­ngin! Ikaw din ang naglagay ng mga decors sa wall, mga butterflies kasi mahilig ka sa mga paru-paro!”

Pinagmasdan ni Diwata ang kabuuan ng room ni Candy. Tila may mga malabong alaala na sumasalit sa isip niya pero hindi niya ito magawang mapalinaw.

“Mommy, are you okay?”

“O-oo, okay lang ako.”

Malalim na ang gabi ay mulat na mulat pa si Diwata. Yakap niya ang anak sa pagtulog nito at nakadantay naman ang isang paa nito sa kanya.

Hindi niya magawang umalala ng kahit ano tungkol sa pamilya niya samantalang inookupa ni Mark ang isip niya. Labis ang kalungkutang nararamdaman niya ngayon. Subalit hinihiling niya na magbalik na rin ang alaala niya nang sa gano’n ay bumalik na rin ang pagmamahal niya sa pamilya at makalimutan niya nang tuluyan si Mark. Pero alam niya na mahihirapan siyang gawin iyon.

Tinitigan niya si Candy.

“I’m sorry anak… I’m sorry kung nakalimutan ka ni mommy… pero ‘wag kang mag-alala, nandito na’ko sa tabi mo at hindi na kita iiwan pa… hindi na ulit tayo magkakalayo… kahit ganito ako ngayon, alam ko nakatago ka lang dito sa puso ko…” bulong ni Diwata sa nahihimbing na anak. At saka niya ito hinagkan sa pisngi.

Ipinikit na ni Diwata ang mga mata niya, subalit ang mukha pa rin ni Mark ang nakikita niya at labis siyang nangungulila rito sa unang gabi na hindi sila magkasama mula nang dumating ito sa buhay niya.

Sa mga sandaling iyon ay nangungulila rin si Mark kay Diwata. Hinahanap niya ang presensya ni Diwata sa tabi niya. Yakap ang unan na ginagamit nito ay iniisip niyang nasa tabi lang niya ang babae at nakayakap rin sa kanya.

“Diwata, sana naiisip mo rin ako ngayon… sana kahit nakabalik ka na sa pamilya mo at mahalin mo sila ulit, sana kahit paminsan-minsan ay maalala mo rin ako… ‘wag mo akong kalimutan nang tuluyan mahal ko…”

Kinabukasan. Maagang nagising si Diwata kahit hindi siya masyadong nakatulog. Gising na siya pero hindi pa siya bumabangon. Nanatili siyang nakahiga at nakayakap sa anak. Hindi kasi niya alam kung paano haharapin ang bagong buhay na naghihintay sa kanya. Hindi niya alam kung paano kikilos sa harap ng mga tao na nagmamahal at tunay na may karapatan sa kanya.

Ilang katok mula sa pintuan ang nagpabangon kay Diwata.

“Saglit lang, nandiyan na.” tugon niya.

Si Romel.

“Good morning honey, nakahanda na ang breakfast.” Nakangiting bati ng lalaki.

Nilingon ni Diwata ang bata.

“Tulog pa siya.”

“Yeah, tanghali na talaga gumising si Candy lalo na ngayong bakasyon. Kaya mauuna na tayong mag-breakfast.”

“Gano’n ba..”

Habang nag-aagahan…

“Hon, after this, mag-ayos ka, pupunta tayo kay Doctor Mendez.”

“Oo, sige.”

Nalungkot si Diwata nang mapatingin siya sa fried egg at fried rice na nasa mesa. Ito ang madalas nilang almusal ni Mark at hindi niya maiwasan na makadama ng labis na kalungkutan ngayon. (Itutuloy)