Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 445

Ika-15 na labas

Umiiyak na tinalikuran ni Diwata si Mark at lumabas ng silid.

Sinadya ni Marjorie si Romel. Nag-aalala siya na baka nasabi na ni Glaiza dito ang mga nalalaman nito. Naabutan niya itong umiinom ng alak sa living room.

“Romel…”

Hindi lumingon ang lalaki.

“Ate, sabihin mo nga sa’kin…bakit hinahanap ng mga tao mo si Glaiza? Anong kinalaman mo sa pagkawala niya?”

Lumapit si Marjorie. Kahit papa’no nakahinga siya na wala pang alam si Romel.

“I did it for you…hindi ba alam mo naman na pinapahanap ko talaga siya para sa’yo? Sayang at naunahan mo kami, gusto pa naman sana kitang sorpresahin kapag naibalik ko na siya dito.”

Nilingon ni Romel ang kapatid.

“Really?”

“ Pinagdududahan mo ba’ko?”

Hindi sumagot ang lalaki.

“By the way, anong nangyari, bakit hindi mo siya naiuwi?” tanong ni Marjorie.

“Because she’s with another guy… that bullshit man!”

“What?”

Palihim na napangiti si Marjorie.

“So, hindi pala siya nawawala, she’s maybe hiding with him!”
“May amnesia siya.”

Ikinagulat iyon ni Marjorie.

“Ano kamo, amnesia?”
“Oo.”

“Wait, how could it be? At saka nakarating siya sa malayong lugar na ‘yon with her amnesia?”

“Hindi ko maintindihan ate, at hindi ko rin maintindihan kung bakit nakarating sa malayong lugar na ‘yon ang mga tao mo sa paghahanap sa kanya. Parang alam na alam na nila kung saan siya hahanapin…”

“And now you’re telling me na may kinalaman talaga ako sa pagkawala niya? Pwes, gusto ko lang malaman mo na sa lahat ng lugar na pinupuntahan ko ay pinapahanap ko siya, even in Batanes, alang-alang sa’yo, ikaw nga ang dapat kuwestyunin ko sa lihim mong pag-eespiya sa mga tauhan ko eh!”

Tumayo si Romel at hinarap si Marjorie.

“May tama ng bala sa balikat si Glaiza Ate Marj nang matagpuan siya ng lalaking ‘yon. At wala siyang malay. Malamang tumama ang ulo niya sa matigas na bagay at nabagok siya kaya nagka-amnesia.”

Hindi kumibo si Marjorie.

“Kahit anong mangyari, ibabalik ko siya sa bahay na’to. Ipagagamot ko siya at pagbabayarin ko ang may kasalanan sa nangyari sa kanya!” pagkasabi niyon ay tinalikuran na ni Romel ang kapatid.

Related Posts

Napahugot naman nang malalim na hininga si Marjorie sa sinabi ng kapatid.

Hindi magawang kumain ni Diwata sa bigat ng dinadala niya ngayon. Hindi siya makapag-isip ng tama dahil pakiramdam niya ay nabubulagan siya sa labis na pagmamahal kay Mark. Ibinagsak niya ang katawan sa kama at tumitig sa kisame.

“Lord, help me… kung ibabalik mo ako sa pamilya ko, ibalik mo rin ang pagmamahal ko sa kanila… ‘wag mong hayaan na baunin ko ang sakit na nararamdaman ko ngayon sa puso ko…” usal na panalangin ni Diwata.

Kinabukasan ay muling dumating sa apartment si Romel kasama si Candy.
“Daddy, dito ba nakatira si mommy?”

“Yeah, pero isasama na natin siya pauwi.”
“Yehey!”

Sabik na kumatok ang bata sa pintuan. Si Mark ang nagbukas ng pinto.

“Daddy, sino po siya?”

“Siya si Tito Mark, pinsan ng mommy.” Pagkakaila ni Romel.

Nasaktan nang husto si Mark pagkakita sa mag-ama.

“Nasa kuwarto siya, sandali lang tatawagin ko…”

Pinaupo muna ni Mark ang mag-ama.

Nakahiga pa rin sa kama si Diwata.

“Diwata, ayusin mo na ang sarili mo, nandito na siya…”

Hindi umimik ang babae.

“Nandito rin ang anak mo…”

Napalingon ang babae. Nakahalukipkip si Mark at nakasandal sa pinto. Pinunasan ni Diwata ang luha sa sariling mata.

“Mark, itatapon mo na lang ba ang pinagsamahan natin?”

Lumapit si Mark sa babae.

“I’m sorry mahal ko, pero wala akong karapatan sa’yo ni katiting, kasal kayo at may anak kayo… paano naman ako? Paano kita ipaglalaban? Paano natin ipaglalaban ang isa’t isa?”
“Hindi ko kayang magpatuloy nang wala ka na sa buhay ko Mark…”

“Kakayanin mo Diwata. Alang-alang sa anak mo… kapag bumalik na ang alaala mo makakalimutan mo rin ako, maaalala mo kung gaano mo kamahal ang pamilyang naghihintay sa’yo.”

Muling umagos ang luha ng babae. Hinagkan siya ni Mark sa labi at saka niyakap nang buong higpit.

Paglabas ni Diwata ng silid ay agad tumakbo si Candy palapit sa ina.

“MOMMY!” sabay yakap nito.

Niyakap din ni Diwata ang anak. Isang yakap na pilit dinadama ang pagiging isang ina.

“Glaiza, wala kang dadalhin kahit anong gamit, may mga gamit ka sa bahay.” Paalala ni Romel.

Hindi sumagot ang babae. Tahimik lang itong sumama sa mag-ama niya. Bago sumakay ng kotse ay nilingon pa niya si Mark na nanatiling nakatayo sa pintuan ng apartment at nakatingin sa kanya. Sobrang sakit na kalungkutan ang bumalot sa puso niya sa mga sandaling iyon nang paghihiwalay nila ng landas ng pinakamamahal niyang si Mark.

Habang palayo ang kotseng kinalulunan ni Diwata ay hindi naman maipaliwanag ni Mark ang labis na kalungkutang pumupuno sa puso niya. Pakiramdam niya ay wala ng kwenta ang buhay niya. Mas masakit pa ito sa kabiguang naranasan niya noon sa pag-ibig.

Gusto niyang sisihin ang sarili dahil hinayaan niyang mahulog nang husto ang loob niya rito. Hinayaan niyang mapamahal siya dito nang higit pa sa pagmamahal niya sa sarili. Pero wala na siyang magagawa, nandito na siya sa sitwasyon ng pagsisisi. Kailangan niyang piliin ang tama sa ayaw at sa gusto niya. (Itutuloy)