Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-14 na labas

“Puwede na.”

Nalungkot si Diwata. Hinapit siya ni Mark sa beywang.

“Masarap. Pero kahit ano pang lasa ng luto mo, palagi itong masarap sa panlasa ko, gano’n kita kamahal.”

“Oo na, naniniwala na’ko sa pagmamahal mo, pero ano bang totoo, masarap ba talaga o hindi?”

“Masarap nga, pasado sa panlasa ko!” natatawang sabi ng lalaki.

Sinabayan ni Diwata sa pagkain si Mark.

“Siyanga pala Mark, hindi ba tayo mangangahoy ngayon?”

“’Wag ka nang sumama, malayo na tayo sa kakahuyan, masyado ka lang mapapagod.”

“Isama mo na’ko please, hindi naman ako napapagod kapag kasama kita eh!”

Makalipas ang ilang araw.

“Hello, mam!” si Lando na nasa tapat ng apartment na nilipatan nina Mark at Diwata.

“O, bakit ka napatawag, may balita ka na ba?”

“E Mam Marjorie, kadarating ko lang po dito sa lugar na sinabi nu’ng nakausap ko kung saan lumipat ‘yung lalaki, pero may problema po tayo!”

“Anong problema?”

“Si… si Sir R-Romel po, n-nandito rin…”

“What? Anong ginagawa niya diyan?”

“Hindi ko po alam mam, baka po may nagtraydor sa grupo natin.”

Tumingala si Romel sa may kataasan ding apartment. Saradung-sarado ito na mukhang walang tao. Humakbang siya palapit at kumatok sa pintuan.

“Tao po! Tao po!”

Walang tugon.

“TAO PO!”

Wala pa ring tugon.

Nagkubli muna si Lando. Hinihintay ang susunod na mangyayari.

Muli sanang kakatok si Romel nang maramdaman niya ang mga yabag mula sa likuran niya.
Sina Mark at Diwata na kadarating lang mula sa pangangahoy.

Nabigla si Mark nang makita ang lalaki. Nagkatinginan sila ni Diwata at pagkatapos ay sabay na lumipat ang tingin nila kay Romel.

“GLAIZA!”

Patakbong lumapit si Romel kay Diwata at mahigpit itong niyakap. Labis ang pagkagulat ng babae.

“Sino ka?”

Unti-unting kumalas sa pagkakayakap si Romel at tumingin sa mga mata ni Diwata.

“Sino ako?…”

Saglit na katahimikan.

“Glaiza, ako ang asawa mo.”

Tumingin si Diwata kay Mark na tila nagpapasaklolo.

Related Posts

“M-may amnesia siya… hindi ka niya makikilala.” Singit ni Mark.

“Amnesia? Bakit, paanong nangyari?”

Luminga muna si Mark bago sumagot.

“Doon tayo sa loob.” Aya nito.

Sa loob ng apartment ay ikinuwento ni Mark kung paano niya nakuha ang babae. Kung ano ang mga pangamba nila at kung ano ang namamagitan sa kanila ngayon.

Isang malakas at mabigat na suntok ang binitawan ni Romel na pinatama niya sa mukha ni Mark. Hindi gumanti ang huli.

“Sinamantala mo ang kahinaan niya, sinamantala mo na wala siyang maalala!” galit na sabi ni Romel.

“Hindi totoo ‘yan!” singit ni Diwata.

Natigilan si Romel.

“Minahal ko si Mark… minahal ko siya sa kabila ng lahat ng pangamba at alalahanin ko sa kung anumang nakaraang meron ako…”

“Glaiza, ako ang mahal mo, kung nakalimot man ang isip mo, ang puso mo, siguradong maaalala niya ko!”

Bumagsak ang mga luha ni Diwata.

Hinawakan siya ni Romel sa braso.

“May anak tayo, naiintindihan mo ba? Kasal tayo, at may anak tayo, si Candy, nakalimutan mo rin ba siya?”

“Anak?” lalong naguluhan si Diwata.

“Glaiza, kailangan ka namin ng anak mo, nagdusa kami nang mawala ka sa’min, kaya nagmamakaawa ako sa’yo, sumama ka na sa akin pabalik sa bahay natin, buuin natin ang pamilya natin, ipagagamot kita sa doctor natin at ipinapangako ko sa’yo na pagbabayarin ko ang may kasalanan sa pagkawala mo, sa nangyari sa’yo!”

Napahugot ng malalim na paghinga si Mark.

Umiling si Glaiza.

“Hayaan mo muna akong mag-isip, iwan mo muna kami ni Mark, mag-uusap kami.”

Matalim ang tinging ibinato ni Romel kay Mark.

“Mark, sana makonsensya ka naman, sana maisip mo na isang pamilya ang sisirain mo kapag hindi mo ibinalik sa amin ang asawa ko. Hinihintay na siya ng anak namin. Sa mata ng tao at ng Diyos, mag-asawa kami ni Glaiza.”

Pagkasabi niyon ay muling bumaling si Romel kay Diwata.

“Glaiza, honey, please, come back home.”

Nangako si Romel na babalikan niya si Glaiza.

Sa loob ng kuwarto. Parang kandilang unti-unting nauupos si Mark sa pagkakatayo. Ganoon din si Diwata. Walang patid ang pagtulo ng luha niya.

“M-Mark…anong gagawin ko?” naguguluhan niyang tanong.

“I’m sorry Diwata… pero kailangan mong bumalik sa kanila…”

Nagulat si Diwata sa mabilis na pagpapasya ni Mark.

“Paano tayo?”

“Diwata, hindi man bumalik ang alaala mo, pero ang pamilya mo eto na, bumabalik na sa buhay mo, ito na ang pagkakataon mo na makilala mo ang sarili mo, sigurado namang hindi ka nila pababayaan, poprotektahan ka nila sa kung anumang panganib ang nakaamba sa’yo.”

“Uulitin ko ang tanong ko Mark, paano na tayo?”

“Kasal ka sa lalaking ‘yon, dapat noon ko pa sinabi nung una ko palang malaman, pero naduwag ako at pinili kong itago ka, ngayon naiintindihan mo na ba?”

Umiling ang babae.

“Hindi ko maintindihan… matagal mo nang alam?”

“Ayaw mo rin namang malaman diba? Wala ka rin namang interes na alamin ang katotohanan sa likod ng pagkatao mo dahil nahihibang ka sa ‘kin, nahihibang tayo sa pagmamahal na hindi natin pwedeng ipaglaban, dahil hindi tama.” (Itutuloy)