Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Ika-10 na labas

“Kung gano’n nangangako din ako, hinding-hindi kita iiwan…”

Pinagtibay ng isang halik ang pangako nila sa isa’t isa.

Habang nakahiga sila sa kama ay muling tiningnan ni Diwata ang larawan niya sa poster.

“Ang ganda ko rito oh, Glaiza pala ang pangalan ko, at 36 years old na pala ko!”

“42 naman ako, hindi naman tayo nagkakalayo ng edad.”

“Hindi rin!” natatawang sabi ng babae.

“Miss Glaiza, anong balak mo ngayon, gusto mo bang tawagan natin ang number na nakalagay dyan?”

“Pinag-iisipan ko ‘yan… pero gusto ko muna sanang malaman kung sino si Marjorie… kung ano ko ba siya…”

Marjorie ang nakalagay na pangalan sa contact number na nasa poster.

Saglit na nag-isip si Mark.

“Wag kang mag-alala, aalamin ko.”

“Paano?”

“Basta, ako ng bahala.”

Sa bayan, nag-internet si Mark. Hinanap niya sa facebook ang pangalang Marjorie na nakita nila sa poster ni Diwata. Hindi naman siya nahirapan dahil active pala ito sa social media. Isang dating public servant si Marjorie Cabrera at the same time ay isa ring business woman.
Iniisip niyang maaaring may facebook account rin si Glaiza Cabrera.

Sinearch niya ito. At sa isang saglit ay nalaman niya ang kaugnayan ni Marjorie kay Glaiza. Pero may mas higit pa doon ang labis na nakapagpabahala sa kanya… kasal si Glaiza! Sa isang Romel Cabrera, at kapatid ni Romel si Marjorie. Bukod doon ay may isang anak sina Romel at Glaiza, isang batang babae na nasa sampung taon gulang.

Pakiramdam ni Mark ay pinagsakluban siya ng langit at lupa. Sobrang sakit at sobrang bigat ng nararamdaman niya ngayon. Dapat una pa lang ay ipinagbigay alam na niya sa kinauukulan ang pagkakapulot niya kay Diwata nang sa gayon ay hindi na ito nagtagal pa sa poder niya at hindi na rin sana nahulog ng husto ang loob niya rito.

Paano na ngayon? Saan siya magsisimula? Sasabihin ba niya kay Diwata ang lahat ng nalaman niya?

“MGA GUNGGONG!” bwisit na sigaw ni Marjorie sa mga tauhan niya sa loob mismo ng kanyang opisina.

“Bakit hanggang ngayon hindi nyo pa masiguro na patay na ang babaeng ‘yon?”

Nagtinginan ang tatlong lalaking tauhan bago nagsalita ang isa.

“Mam, sigurado naman pong tinamaan ko siya, kaya lang doon siya tumakbo sa kakahuyan, nagalugad na po namin ang lugar na ‘yon, hindi na namin talaga siya makita.”

“Pwes, bumalik kayo doon at wag kayong titigil hangga’t hindi nyo natatagpuan ang bangkay niya!”

“E mam, marami pong bangin do’n, baka naman ho nahulog na.” anang isa pa.

Isang batok sa ulo ang ibinigay ni Marjorie sa lalaki.

“E kung ikaw ang ihulog ko sa bangin? Bakit di kayo bumababa sa bangin at galugarin nyo hanggang sa maiharap nyo sa akin ang bangkay niya!”

Muling nagtinginan ang tatlo.

Related Posts

“O sige na, lumayas na kayo sa harapan ko at siguraduhin nyo na sa susunod na pagkikita natin ay may maganda na kayong balita!”

Nag-aabang na si Diwata sa terrace. Natuwa ito nang makita siyang parating. Agad siya nitong sinalubong at hinagkan sa pisngi.

“Kumusta ang lakad mo?”

“Medyo hindi maganda…”

“Bakit, wala ka bang nalaman?”

Umiling ang binata.

“Maraming Marjorie Cabrera ang lumabas, hindi ko pa tiyak kung sino sa kanila ang kamag-anak mo, kasi inisa-isa ko, pero wala naman akong nakita na may koneksyon sa’yo.”

“Gano’n ba?”

“Diwata, mahirap magtiwala sa panahon ngayon, kailangan muna nating masiguro ang Marjorie na nakalagay do’n sa poster. Sinubukan ko na ring tawagan ang number baka sakaling malaman ko kung ano ang kaugnayan niya sa’yo pero cannot be reach naman.” Pagsisinungaling ni Mark.

Nalungkot ang mukha ng babae.

“Tama ka… dapat ko munang masiguro na mabuting tao ang naghahanap sa’kin, bago ako lumutang… bukod kasi sa hindi magandang kutob ko e lagi pa akong nananaginip na hinahabol ako ng masasamang tao…”

Niyakap ni Mark si Diwata.

“Wag kang mag-alala, malapit mo nang makilala ang sarili mo, at hindi ko hahayaan na malagay ka sa panganib kapag nangyari ‘yon.”

Nang mga sumunod na araw ay hindi na napalagay si Mark. Sa tuwing naiisip niya ang tunay na pagkatao ni Diwata ay naiisip niyang pakawalan na ito. Subalit napipigilan siya ng labis niyang pagmamahal dito. Pero hanggang kailan niya maikukubli si Glaiza? Hanggang kailan niya maitatago ang lihim nito?

Nilapitan siya ni Diwata sa terrace.

“Mahal, mukhang malalim ang iniisip mo ah?”

“Medyo… natatakot kasi ako na isang araw ay mawala ka na sa’kin…”

“Ano? Bakit mo naman iniisip na mawawala ako sa’yo?”

Tumingin si Mark sa mga mata ng babae bago sinagot ang tanong nito.

“Diwata, ngayon alam mo na, na ikaw si Glaia Cabrera… paano kung si Glaiza Cabrera pala ay pag-aari na ng iba?”

“Pag-aari ng iba?”

“Kung may boyfriend na nangungulila sa’yo at hinahanap ka, o kaya naman, asawa, o anak, hindi imposible ‘yon diba?”

Huminga ng malalim si Diwata.

“Mahal ko, naisip ko na rin ‘yan… pero diba sinabi ko sa’yo na kahit anong mangyari hindi kita iiwan?”

“Baka nasasabi mo lang ‘yan kasi wala ka pang naaalala, paano kung maalala na ng puso mo na may iba ka palang mahal, na hindi pala ako ang totoong itinitibok ng puso mo?”

Yumakap si Diwata sa lalaki.

“Basta ang alam ko, mahal na kita, mahal na mahal… at hindi ko na kayang mabuhay ng wala ka… kaya kung anumang nakaraan meron ako, nakaraan na ‘yon, ikaw na ang future ko…”

Hindi kumbinsido si Mark sa sinabi ng babae. Kasal ito at alam niya na hindi nito basta-basta matatalikuran ang nakaraan na ‘yon lalo na ang kanyang anak. (Itutuloy)