Una sa Balita

Destiny’s Game

By
0 405

Si Mark Olimpus. 42 years old. Naninirahan sa pinakadulo ng kakahuyan. Sanay na siya sa pag-iisa. Kinumbinsi na niya ang sarili na tatanda at mamamatay na siya na mag-isa. Walang pamilya, o kamag-anak at higit sa lahat walang pag-ibig.

Hanggang isang araw ay may maligaw na babae sa kakahuyan. Sa unang kita pa lang niya dito ay may kakaiba na agad siyang naramdaman.

Agad nahulog ang loob niya sa babae. Tinulungan niya itong maalala ang sarili at sinikap niyang wag mapalapit dito ng husto ang loob niya nang sa gayon ay hindi siya masaktan kapag umalis na ito. Subalit mapagbiro ang tadhana, habang tumatagal ay lumalalim ang pagtingin niya rito.

At kung kailan naman nagkakalapit na sila ay saka pa nagbalik ang alaala ni Glaiza na pinangalanan niyang Diwata. Minahal na rin siya ni Glaiza subalit kailangan nilang harapin ang tunay na problema na si Glaiza ay may naiwan palang pamilya sa Manila.

May asawa at anak ito. Kaya sa pag-alis ni Glaiza sa poder ni Mark ay hindi nakakasiguro ang binata na magbabalik pa ito kaya minabuti na lang nito na kalimutan na ang babae.

Sa Manila. Naghihirap din ang kalooban ni Glaiza dahil hindi mawala sa puso’t isipan niya si Mark. Sa kabila nito ay tinanggap na niya na wala na siyang magagawa kundi harapin ang buhay na laan para sa kanya at sa kanyang pamilya.

Hanggang sa muli silang paglaruan ng tadhana nang muling magkrus ang landas nila ni Mark.

Abala si Mark sa pangangahoy. Kapag nakarami na siya ay saka niya ito gagawing uling. At kapag nakagawa na siya ng maraming uling ay saka siya bababa sa bayan para ibenta ito. Ito ang sistema ng pamumuhay ni Mark, 42 years old. Walang pamilya, walang kaibigan at walang lovelife. Namumuhay siyang mag-isa na malayo sa lahat. Ito ang pinili niyang buhay. Malungkot. Mapanglaw. Madilim.

Ang dahilan ng kanyang pag-iisa ay isang babae na labis niyang minahal. Si Aurora. Subalit hindi siya pinili ni Aurora. Iba ang minahal nito at hindi siya. Mula noon ay nawalan na siya ng tiwala sa pag-ibig. Para sa kanya puro kalungkutan lang ang idudulot nito katulad ng kung paano siya nabubuhay ngayon sa kalungkutan.

Pababa na sa bundok si Mark, dala ang kanyang kalakal nang mapansin niya ang isang babae na nakahandusay sa isang liblib na bahagi ng kakahuyan. Marahan ang mga hakbang na nilapitan niya ito. Mukhang wala itong malay.

Nang makalapit siya ay nabigla siya nang makita ang dugong umaagos mula sa balikat nito. Pinulsuhan niya ang babae.

May tibok pa sa pulso nito. Ganoon din sa leeg. Pero nanatili itong walang malay.

“Miss…miss…” marahan niya itong niyugyog para magising pero nabigo siya.

Luminga siya sa paligid. Tulad ng dati, naghahari ang katahimikan sa kakahuyang iyon. Pawang huni ng mga ibon at ihip ng hangin ang nauulinigan.

Nagpasya si Mark. Ikinubli niya sa malagong halaman ang kalakal na ibababa sana niya sa bayan at saka maingat na binuhat ang babae. Iniuwi niya ito sa kubo niya sa dulong bahagi ng kakahuyan.

Natiyak niyang bala ang tumama sa balikat ng babae. Mabuti na lang at marunong siyang magtanggal nito. Kapag nasusugatan siya ay siya lang din ang gumagamot sa sarili niya.

Siniguro niyang magiging komportable ang babae sa paggising nito. Inihiga niya ito sa papag na sinapinan niya ng comforter at saka kinumutan. Nag-init siya ng tubig para maipagtimpla niya ito ng kape kapag nagising na.

Pero kailangan niya itong iwan pansamantala dahil kailangan niyang maibenta ang mga kalakal niya sa bayan. Kumuha siya ng ballpen at papel at nagsulat ng notes doon.

“Magandang binibini, natagpuan kitang walang malay sa kakahuyan at may tama ng baril, dinala kita dito para sa iyong kaligtasan. Natanggal ko na ang bala sa balikat mo, ‘wag mo munang tatanggalin ang benda.

Kung gusto mong kumain, may kanin at ulam sa mesa at meron ding mainit na tubig sa termos kung gusto mong magkape, nasa mesa rin ang kape at asukal. Bumaba lang ako saglit sa bayan para ibenta ang kalakal kong mga uling. Babalik din ako agad – nag-aalala estranghero.”

Napangiti ang babae nang mabasa iyon sa kabila nang pag-inda niya sa sakit na dulot ng sugat sa balikat. Tumingin siya sa mesa. Totoo ngang may pagkain doon. Kanin at pritong manok. Gutom na gutom niyang nilantakan iyon.

Nagtimpla rin siya ng kape. Nang mabusog ay saka niya iginala ang paningin sa kabuuan ng kubo. May kalakihan din ang kubo. May kusina, may sala, may maliit na kuwarto at may sariling banyo. At ang pinakagusto niyang parte ay ang maliit at cute na terrace nito na napapalamutian ng mga halamang may bulaklak na nakalagay sa paso. Pakiramdam ng babae ay naligaw siya sa isang paraiso.

Lumabas siya sa maliit na bakuran.

Ang kasiyahang naramdaman ay napalitan ng pag-aalala nang hindi niya maalala kung sino siya at ano ang pangalan niya.

Related Posts

“No, hindi pwede ‘to…hindi pwede…bakit wala akong maalala….”

Puno ng pangambang nasapo niya ang sariling ulo.

Nagmamadali siyang nilapitan ni Mark na paparating.

“Miss!”

Nagtama ang kanilang paningin.
“S-sino ka?”

“Ako si Mark, ikaw? Teka, okay ka lang ba, mukhang sumasakit ang ulo mo, ang balikat mo masakit pa ba?”

Umiling ang babae.

“Wala akong maalala… hindi ko alam kung sino ako…”

Natigilan si Mark. Sa pangingilid ng luha ng babae ay gusto niyang mataranta pero nilakasan niya ang loob.

“Kung gano’n hindi mo alam kung bakit ka may tama ng baril at walang malay sa kakahuyan?”

Umiling ang babae. Napabuntong hininga si Mark.

“Okay, ganito na lang, sige papayag ako na dumito ka muna sa kubo ko, pero kapag may naalala ka na, makakaalis ka na.”

Tumango ang babae.

“Salamat… at salamat sa paggamot mo sa’kin.”

“Tara na sa loob.”

“Sandali…”

Nilingon ni Mark ang babae.

“O, bakit?”

“Ikaw lang ba ang nakatira dito?”

“Oo, pero ‘wag kang mag-alala, hindi ako masamang tao.”

“Hindi ako nag-aalala, tinulungan mo nga ako ‘di ba?”

Hindi na kumibo si Mark. Dumiretso ito sa kuwarto. Maya-maya ay lumabas ulit dala ang ilang damit.

“Miss, eto ang mga t-shirt ko, may pang-ibaba rin, pagtiyagaan mo muna kasi wala pa akong pambili ng damit mo, pero kapag nakapagbenta ulit ako bukas baka maibili na kita, kulang pa kasi ang kinita ko ngayon. Saka nga pala, sa kuwarto ka matutulog, dito na lang ako sa sofa. At dahil hindi mo pa naaalala ang sarili mo, tatawagin muna kitang Diwata.”

Habang nagsasalita si Mark ay nakangiti lang at nakatitig sa kanya ang babae. (Itutuloy)