Una sa Balita

Desisyon ni Adam Silver nagpaluha sa mga Pinoy fan

By
0 345

Linggo habang walang tigil ang  pagluha ng kalangitan na nagdulot ng malalim na  baha sa maraming bahagi ng bansa kabilang na ang Metro Manila, isang sulat mula sa NBA ang nagbigay ng matin­ding kalungkutan at nagpaluha rin sa mga Pinoy basketball fan.

Isang statement ang inilabas ng NBA na nagsasabing hindi nito pinapayagan ang Fil-Am na si Jordan Clarkson ng Cleveland Cavaliers na maglaro para sa national team natin sa Asian Games sa Indonesia ngayong Agosto.

Ang pahayag na ito ng NBA na inilabas sa gitna ng walang tigil na pag-ulan dulot  ng ‘habagat’ ay tinawag ng mga matataas na opisyal mula sa SBP, POC at maging ng mga opisyal ng pamahalaan na ‘double standard’.

Abante Hiring – IT dep

Ito ay sa dahilang pinayagan ng NBA na maglaro si Zhou Qi sa China kahit na may live contract pa sa Houston Rockets gayundin si Andrew Nicholson para sa Ca­nada sa Pan American Games kahit na nakakontrata pa sa Orlando Magic noong 2015.

Bale ang Department of Foreign Affairs (DFA) ang nag-request sa pamamagitan ng sulat kay NBA commissioner Adam Silver noong Sabado na payagan si Clarkson na maglaro sa Asian Games sa ngalan ng milyun-milyong mga Filipino fan.

Pero makalipas ang ilang araw na paghihintay, nagdesisyon si Silver na maaari lamang makalaro si Clarkson para sa Pilipinas sa Olympics, FIBA Basketball World Cup at iba pang torneo na sanction ng FIBA, pero hindi sa Asian Games.

Kaya sinabi ng SBP na malabo ang desisyong ito ni Silver dahil sa bukod sa hindi na nga maintindihan ay napaka-inconsistent pa. Bakit nga naman si Qi, pinayagan pero si Clarkson, na malaki sana ang maitutulong sa Gilas Pilipinas na makatawid kahit hanggang sa quarterfinals ay hindi!

Gayunpaman, sa kabila na tinawag na  inconsistent ang ruling ni Silver, na- point naman kung  saang torneo maaaring makapaglaro si Clarkson  para sa Pilipinas.

Nilinaw ng NBA commissioner na puwedeng maglaro si Clarkson sa FIBA Basketball World Cup Asian qualifiers. Kung inyong natatandaan, sumama si Clarkson sa training ng national team noong 2015 pero hindi rin nakalaro dahil hindi pinayagan ng LA Lakers.

Lumakas ang loob ng Pilipinas na subukang muling palaruin si Clarkson sa Asian Games dahil sa balitang papayag ang I­ndonesia Asian Games Organizing Committee.

Pero sa kasamaang-palad, labas pala sa kasunduan ng FIBA at NBA ang Asian Games. Hindi kasali!

Matapos na maba­litaan ni coach Yeng Guiao ang desisyon ng NBA tungkol kay Clarkson, sinabi nitong si Don Trollano ang  ipapalit sa Fil-Am para makumpleto ang kanyang 12-man line-up na binubuo halos ng mga player ng Rain or Shine.

Kaya better luck next time na lang ulit!