Una sa Balita

Deretso na yan bukas…

By
0 679

Tinanong ko yung bata: Excited ka ba sa darating na Huwebes?

Sagot niya: Opo.

Sa pangkaraniwan, iisipin mo na ­malamang birthday niya at may malaking handaan. Kung hinde, baka may swimming o outing na gaganapin sa araw na yon. Lalo na at summer ­naman ­ngayon. O kaya, may binili sa online ­shopping si tatay na laruan sa darating na Huwebes at matagal na niyang gusto ito..

Ang totoo, may mas malaking okasyon na gaganapin. At ang batang tinanong ko ang bida dito.

Ooperahan ang mata ng siyam na ­taong gulang na bata. Dadalin siya sa ­aming ospital sa umaga at ­aayusin ng aming pediatricophthalmologist consultant, si Dr. Badj Bolinao ang kanyang mga mata. Ano ba ang problema nun? Wala naman. Pinanganak lang siyang duling.

Sa normal na setting, wag na tayong magmalinis at magmagaling. Sadyang bida sa umpukan ang kakaibang anyo ng isang duling. Sandamukal na biro, kantsaw, panunuya, pambababastos ang nagaganap sa buhay ng isang duling na tao. Magsisimula ang biro sa pagpapakita kunyaring pera at pilit ipabibilang ito gamit lamang ang mata… Tapos, tatawa ng ma­lakas ang mga kan­tsawero at sisirain ang araw ng isang taong may abnormalidad.

Punto de bistang duling… Iba-iba sila. Sa pailan-ilan, may matibay ang loob na humarap at hindi magpaapekto. Sila yung bato, yung wala paki sa sasabihin ng iba. Ayos sana kung lahat ganun. Pero dito sa atin, at talaga namang para sa nakakarami, yung trauma na pagtawanan dahil sa pagiging duling ay nagiging dahilan para umiwas na lang sila ng kusa… magsarili, magkulong.. para hindi na asarin at tuyain.

Minsan maitatanong mo rin. Ano ang ginagawa ng mga magulang nitong mga batang ito… Bakit hindi nila dalhin ang anak sa ospital? Di ba maaayos pa naman yan? Para naman matapos na ang kalbaryo nito.

Sagot. Oo naman, pero maghahanda sila ng kulang sa kwarenta mil para maisagawa ito ng maayos. Nga­yon kung mahirap ka, uunahin mo pa bang gastusan yun? At pabayaan ang ibang obligasyon? Syempre hinde.
Kaya kung hihiramin ko ang katagang nagpasikat kay Ginoong Mike Enriquez: “Gobyerno, pasok!”

Gumawa ako rito sa aming bayan sa Cainta ng isang programa, na tuwing Huwebes, oo­perahan ng aming duktor ang mga batang duling ng walang ginagastos… libre.

Mahigit anim na buwan na ang lumipas at ang pila ng gustong magpaopera ay lalong humahaba. Nakakatuwang pagmasdan ang unang pagpasok nila sa aking opisina para magpakilala. Syempre, kasama nila ang kanilang mga magulang.

Sa unang tingin, alam ko na ang pakay nila. Pero hindi ko sila pangungunahan. Aantayin ko na sila ang kusang magsabi ng nais nila… na alam ko namang isang ma­laking handog na ­magpapasaya hindi lang sa bata, kundi higit, kay tatay at nanay.

Sa tanongko kung excited ang bata? Pagsagot niyang opo, babalikan ko siya ng tingin at wika:

“Mas excited ako. Balik ka sa akin ­pagnatapos ang ope­rasyon.. Excited akong makita kung ano ang nagbago sa iyo.”