Una sa Balita

Depresyon ng 3.3M Pinoy sinisi sa social media

0 694

DAPAT umanong ituro ng Department of Education (DepEd) ang responsableng paggamit ng social media bilang bahagi ng pangangalaga sa kalusugan ng isip o mental health, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Ito’y dahil umano sa pagkakaugnay ng social media at internet sa pagtaas ng mga kaso ng depresyon at anxiety sa kabataan.

Nauna nang sinabi ni Dr. Cornelio Banaag, Jr. ng Medical City ang kakulangan sa tulog bilang epekto ng lubos na paggamit ng smartphone.

Paliwanag nito, madaling magkaroon ng anxiety at depresyon ang mga kabataang madalas na napupuyat.

“Babala ng mga eksperto, ang pagbababad sa social media ang isang pa­ngunahing dahilan kung bakit dumara­mi ang mga kabataang dumaranas ng anxiety at depresyon,” sabi ni Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture

“Nakakabahala ito lalo na’t nababansagan tayong social media capital of the world, kaya naman mahalagang maituro natin ang wastong paggamit ng internet at social media,” dagdag pa niya.

Sabi ng Department of Health, humigit-­kumulang 3.3. milyong Pilipino ang may depressive disorder.

Sa isang pag-aaral naman ng World Health Organization, sa mahigit 8,000 mag-aaral sa Pilipinas, halos 17 porsiyento ng mga mag-aaral na may edad 13-17 ang nagtangkang magpakamatay.

Noong Marso, isang Grade 10 mula sa Sorsogon City ang sinasabing nagpakamatay sa loob ng kanilang tahanan at isa sa mga itinuturong dahilan ay depresyon.

Ikinabahala ng DepEd ang mga ganitong pangyayari kaya naman isinama na ng mga opisyal nito ang usapin ng mental health sa kanilang pangunahing programa na Oplan Kalusugan o OK.

Ani Gatchalian, maaaring palakasin ang programang ito upang magpalaganap ang kaalaman at magabayan ang mga batang nangangailangan ng tulong.

Kailangan na rin umanong ibalik ang subject na Good Manners and Right Conduct o GMRC sa mga paaralan at puwede na nitong saklawin ang pagtalakay sa res­ponsableng paggamit ng social media. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy