Una sa Balita

Deployment ban sa Kuwait

By
0 1,620

Hindi na dapat mu­ling masundan ang kasuklam-suklam na krimeng sinapit ng kababayan nating overseas Filipino Worker sa Kuwait na si Joanna Daniela Demafelis.

Sa ngayon, naiuwi na po ang kanyang labi sa Iloilo at nakikiramay po tayo sa kanyang pamilya at mga kaanak.

Isa lang po si Joanna sa mga kababayan nating pinagmalupitan, inabuso, at pinaslang sa Kuwait. Halos ganitong panahon din noong isang taon nang mamatay si Amy Capulong Santiago dahil sa pambubugbog ng kanyang
Kuwaiti employer.

Nakapanlulumo po ang datos: mula taong 2016 hanggang taong 2017, umabot sa 185 mga OFW ang namatay sa bansang Kuwait, karamihan Household Service Worker (HSW).

Tanong po natin: Bakit kapag sa Kuwait ang destinasyon ng isang HSW, tila nasa hukay na ang isang paa niya? Bakit po tila nagkukulang ang ating mga opisyal at ahensya lalo na ang POEA at OWWA sa pagsesegurong ligtas ang mga kababayan nating OFW?

Related Posts

Bilang pinuno ng Se­nate Labor Committee, suportado po natin ang umiiral na total deployment ban sa mga bagong OFW sa Kuwait gayundin ang pagpapatigil sa pagpo-proseso ng Overseas Employment Certificate (OEC) para sa mga Kuwait-bound workers.

Alinsunod sa DOLE Administrative Order No. 54-A, ang pansamantalang ban ay para lang po sa mga bagong OFW at hindi kasama iyong mga ‘Balik-Manggagawa’ o nagbabakasyon lang sa Pilipinas.

Hindi rin nito sakop ang mga Pinoy seamen na sumasampa o dumaraan sa Port of Kuwait. Magpapatawag po ang ating komite ng pagdinig tungkol sa umiiral na ban at upang isulong na rin ang nakabinbing Memorandum of Understandin­g (MOU) sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait at sa iba pang mga bansang may mataas na konsentrasyon ng OFW.

Patuloy din po nating bibigyang pansin ang pag­likha ng trabaho dito mismo sa ating bansa nang sa gayon, mapababa natin ang bilang ng mga Pinoy na kailangang lisanin ang kanilang pamilya para kumita abroad. Sa ngayon may 6,092 mga Pilipinong umaalis araw-araw para mag-trabaho sa ibang bansa.

Binabalangkas na rin po ng ating Komite sa Senado ang Senate Bill 146 o ang pagtatatag ng Department of OFWs lalo na’t sa maraming kaso ng pang-aabuso sa mga OFW, tila naging pabaya ang ating mga opisyal at mga ahensyang tumututok sa kapakanan ng mga migrant workers.

Sa pagtalakay natin sa panukalang Department of OFWs, hindi po natin layuning i-promote ang migration-for-work kundi para bigyan ng sariling bahay o ahensya ang ating mga bagong bayani na tunay na mag-aalaga at magtatanggol sa kanilang mga karapatan.