Una sa Balita

Deployment ban sa Kuwait binawi na

0 386

INALIS na ng pamahalaan ng Pilipinas ang deployment ban ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait, ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III.

Nagpasya ang DOLE na bawiin ang deployment ban matapos pumayag ang Kuwaiti go­vernment sa mga kondisyon na itinakda ng Pilipinas sa isang board meeting.

“The Kuwaiti government has already met one of the conditions set by the Philippines, which is to file charges against the employers of slain migrant worker Jeanelyn Villavende,” ayon kay Bello.

Nabatid na nakatugon na umano ang gobyerno ng Kuwait sa isa sa mga kondisyon na itinakda ng Pilipinas, na sampahan ng kaso ang employer ni Villavende.

Sinabi rin ni Bello na ang mga opisyal ng Kuwait ay nagkasundo na gumawa ng isang maa­yos na pamantayan ng kontrata sa pagtatrabaho para sa mga OFW.

Sa ilalim ng bagong kontrata, pinahihintulutan ang mga OFW na magkaroon ng isang araw na walang pasok sa trabaho pero may suweldo kada linggo.

Kaugnay nito, sinabi ng kalihim na sa Marso­ ay lalagdaan nila ang pro-OFW memorandum­ of understanding sa Kuwait at ilalagay sa kontrata ang itinakdang oras ng pagtatrabaho at pagtulog ng manggagawa.

Hindi rin papayagan ang mga employer na ilipat ang kanilang mga manggagawang Pilipino sa ibang employer na walang pahintulot mula sa labor attache ng Pilipinas sa Kuwait.

Ang iba pang mga probisyon ay katulad sa mga orihinal na napagkasunduan ng dalawang pamahalaan noong 2018, tulad ng pagbabawal sa mga employer na hawakan ang mga pasaporte at cellphone ng kanilang mga manggagawang Pilipino. (Mina Aquino)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More