Una sa Balita

Depensang Abueva, bala ng Phoenix vs NLEX

‘DI PUWEDE BARA-BARA!

By
0 387

Mga laro ngayon: (MOA Arena)
4:30 pm – Phoenix vs. NLEX
7 pm – Rain or Shine vs. NorthPort

ITATAYA ng Phoenix ang franchise-best start laban sa napilayang NLEX sa first game ng PBA Philippine Cup double-header mamaya sa MOA Arena.

Binili ng Fuel Masters ang prangkisa ng Barako Bull noong 2016, mula noon ay ngayon lang tumikim ng 4-0 start at nasa unahan pa ng standings.

Inumpisahan ng Road Warriors ang all-Filipino sa 0-3 pero nakadalawang sunod na panalo na.

Ang masaklap ay inabot na naman­ ng season-ending ACL injury ang playmaker nilang si Kevin Alas sa 87-83 win kontra Meralco noong Sabado. March ng nakaraang taon ay nawala rin si Alas dahil sa parehong injury.

Parehong kanang tuhod, sa parehong venue sa Ynares Center sa Antipolo nakuha ng 27-anyos na guard mula Letran ang injury.

Sa kabila nito, para kay coach Louie Alas ay maraming naiwan sa NLEX na kailangang sawatain ng kanyang Fuel Masters.

“Major concern: NLEX big guys (Poy) Erram, (JR) Quinahan, (Ma­rion) Magat, (Kris) Porter,” wika ni Alas. “We’re eyeing to deny them every possession. Super talented, super athletic, plus dangerous ang three-point shooting nila.”

Giniit ng coach na kailangan nila ng mas disiplinado at nakakasakal na team defense para masundan ang huling panalo na 114-95 kontra Blackwater.

“’Di puwede ang bara-barang ‘D’, kailangan precise,” giit ni Alas, muling sasandal kina Calvin Abueva, Matthew Wright, Jason Perkins at Alex Mallari.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy