Una sa Balita

Depende sa pinasok na kasunduan

0 330

Dear Atty. Claire:

Hihingi lang po ako ng advice, meron po kasing lupa na masukal na inalok sa akin ng may-ari na taga-Australia. Nagkasundo po kami na libre ang paggamit sa 10 taon.

Nagbigay siya ng contract na pirmado niya at sabi po ay inotaryo na lang once na umuwi siya.

Nu’ng umuwi po siya, hindi nakipagkita sa amin at may binago na kontrata na pinagsama ang pagbalik ng pera niya monthly at pu­mirma naman ako.

Nag-barangay kami at dun ay ayaw nila na mag-extend kami at magba­yad daw kami, ayaw nila akong bigyan ng mga kontrata at patunay na sila ang may-ari ng lupa.

Nagbanta sila na idedemanda raw ako ng estafa, nagsabi po ako na aalis ako sa lupa nila pero sisingilin pa rin nila ako.

Payuhan n’yo po ako,

Salamat po.
Vic

Mr. Vic,

Ang mangingibabaw lamang sa ngayon ay kung ano ba ang naging kasunduan n’yo. Kung napagkasunduan n’yo na 10 taon kang mamamalagi sa nasabing lugar upang pa­ngalagaan ang kanyang ari-arian ay iyon ang masusunod.

Tandaan lamang na kahit may kontrata kayo ngunit kung may nalabag ka naman sa probisyon ng inyong usapan ay maaari tala­gang tapusin ang kasunduan kahit hindi pa sa takdang panahon.

Nasabi mo na ayaw nang i-extend ng may-ari ang kontarta ninyo, samakatuwid ay natapos na ang inyong kasunduan at prerogative o option ng may-ari ng lupa kung nais pa niyang ipagpatuloy ang inyong kasunduan.

Dahil sa ayaw na niya ay wala kang magagawa kundi sundin ang nais ng may-ari.

Dahil may napirmahan ka rin na sumasang-ayon sa pagbabalik ng pera niya ay dapat mo rin na sundin iyon. Malamang ay may hindi magandang nangyari habang buhay at umiiral pa ang inyong kontrata kaya’t ninais na niyang tapusin ang inyong kasunduan.

Kung may mga nagawa ka naman na pabor sa may-ari at hindi ka nabayaran ay karapatan mo rin naman na singilin ang mga ito sa may-ari ng lupa.

Ang tanging nag­lalaro sa isipan ko sa ngayon ay bakit ka nila sasampahan ng estafa. May nagawa ka ba na panloloko sa kanila? Mayroon ka bang pe­rang hindi nai-remit o naisauli na dapat ay maibigay mo?

Kung ang tanging issue ay ang hindi mo kaagad pag-alis sa lugar dahil mayroon kang sinisingil ay hindi ko nakikitang dapat kang sampahan ng estafa.

Mas mabuting ayusin ang inyong hindi pagkakaunawaan at ibalik ang dapat na ibalik sa bawat isa.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy