Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DepEd urong-sulong sa tuition hike

0 629

Matapos ang ulat na mahigit 600 pribadong eskwelahan sa elementarya at high school ang pinayagan nilang magtaas ng tuition at iba pang bayarin, kumambiyo ang Department of Education (DepEd) at umapela sa mga nabanggit na paaralan.

Sa isang pahayag, umapela ang DepEd sa mga private school na huwag magtaas ng tuition at iba pang bayarin ngayong nahaharap pa ang bansa sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ng DepEd na kinikilala nila ang mga private school bilang partner sa pagbibigay ng de-kalidad na basic education sa kabataang Pilipino.

Subalit kailangan din aniyang balansehin ang kanilang serbisyo lalo na sa mga pamilyang nakararanas ng problemang pinansiyal dahil sa pandemya.

Giit pa ng DepEd na magkaroon ng transparency sa tuition at mga miscellaneous fee ng mga private school ngayong taon.

Nabatid na ang mga private school ay nakabase rin sa DepEd order kaugnay ng pagtataas ng matrikula at kailangan ng konsultasyon para sa tamang paglalabas ng tuition.

Ayon sa DepEd, naiintindihan nila na may karagdagang gastusin para sa distance learning ngayong may pandemya subalit mayroon din umanong mga bawas gastos dahil sa mga pagbabago sa learning delivery.

Binanggit pa ang Section 41 ng Education Act of 1982 kung saan kailangang sumunod sa mga panuntunan ng kagawaran ang mga private school hinggil sa paniningil ng tuition at iba pang bayarin mula sa mga mag-aaral na dapat magkaroon muna ng konsultasyon at abiso.

Sabi ng DepEd, nagpatawag na sila ng consultation meeting sa susunod na linggo sa mga pangunahing private school association.

Giit naman ng mga private school, gagastos din sila para sa distant learning at gagawa rin ng mga module at lesson plan na katulad ng dati nilang ginagawa. (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.