Una sa Balita

DepEd kabado sa school drug inspection ng PNP

By
0 1,777

Makikipagpulong ang Department of Education (DepEd) sa pamunuan ng Phili­ppine National Police (PNP) kaugnay sa plano nitong magsagawa ng surprise inspection sa mga bag at locker ng mga estudyante, bilang bahagi ng kanilang anti-drug campaign.

Ayon kay Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan, tagapagsalita ng DepEd, nagpahayag ng pag-aalala si Education Secretary Leonor Briones hinggil sa naturang plano ng PNP.

Nauna rito, ipinanukala ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Director, Chief Supt. Guillermo Eleazar na magpatupad ng random bag at locker inspections sa mga paaralan upang matiyak na ligtas ang mga ito sa iligal na droga.

Gayunman, nais umano ni Briones na makipag-usap muna sa mga opisyal ng PNP upang makapagbahagi rin ng kanilang programa at magkaroon ng kaukulang koordinasyon at protocol.

“Gusto niya (Briones) ay magkaroon ng pag-uusap si PNP chief at saka siya para rin makapag-share kami ng programa at kung mayroong kailangang aksyon, we have to make sure we have coordination and protocols are in place,” ani Malaluan.

“If there are law enforcement operations or initiatives that would, example, target students, we would like that to be properly coordinated with the Department of Education due to considerations such as child protection policy and schools as zones of peace,” dagdag pa nito.

Ibinahagi rin naman ni Malaluan na sa pagbubukas ng klase noong Lunes ay naging maa­yos ang koordinasyon ng DepEd at PNP.
Umaasa rin naman si Malaluan na magpapatuloy ang natu­rang maayos na koordinasyon hanggang sa drug prevention campaign ng pamahalaan. Tiniyak rin niya na suportado ng DepEd ang anti-drug campaign ng PNP.

Inihalimbawa pa niya ang ginagawa nilang pagpapatupad ng drug testing program sa mga DepEd personnel at maging sa mga estudyante, na nagpapatuloy hanggang sa ngayon.

“Under the drug-free workplace and drug-free schools, nagpapatupad kami simula last school year and this coming school year ng drug testing program,” kuwento ni Malaluan.

“Patuloy ‘yan. It was designed for two years. We have a statistical design na ‘yung sina-sample naming schools ay representative of all schools. Ilalahad namin sa publiko ano ‘yung prevalence of drugs in the public school system. This will constitute a benchmark for drug prevention program,” aniya pa.