Una sa Balita

Department of Disaster Resilience isabatas na

0 430

Matindi ang mensaheng dala ng sunud-sunod na lindol sa ­Mindanao: hindi maghihintay ang sakuna. Hindi nito alintana ang ibang kinakaharap na ­usaping pamahalaan at ng mga taong gobyerno na naatasang tumugon sa iba’t ibang problema. Walang babala, maaari itong tumama.

Ito ang nagbunsod kay Pangulong Rodrigo Duterte na kalampagin ang dalawang kapulungan ng Kongreso upang ipasa na ang panukalang batas na magtatatag sa Department of Disaster Resilience. Sa gitna ng ganitong konteksto, kaligtasan ng bawat isang ­Pilipino ang nangunguna sa ­bahagdan ng pagpapahalaga.

Nagkataon lamang na ang mga nasa home region namin ng ­Pangulo ang umaaray at tinamaan ng mga pagyanig. Huwag na tayong lumayo – ‘di nga ba pati sa Davao City ay may bahagyang gumuhong gusali?

Hindi biro ang ­banta ng lindol sa buong ­bansa. Kaya nga noon pa hinihimok ng buong gabinete ang Kongreso na maisabatas ang ­panukala para hindi na makompromiso ang buhay ng maraming mamamayan sa tuwing may dumarating na lindol o ano pa mang matinding kalamidad sa bansa.
Sa nakalipas na ­Kongreso ay naipasa na ito Mababang Kapulungan subalit nabinbin sa Senado dahil nagkaroon ng aberya doon sa usapin ng budget kaya hindi nailusot ng tuluyan.

Ang tungkol sa panukalang paglikha ng Department of Disaster Resilience ay makailang ulit nang binanggit ng Punong Ehekutibo sa kanyang mga nakalipas na State of the Nation Address kaya’t umaasa ang Pangulo na maaaksiyunan na ito ngayong 18th Congress.

Magugunitang dinii­nan ng ­Pangulo noong nakaraang SONA ang panukala tungkol sa pagkakaroon ng ­Department of ­Disaster Resilience (DDR) at ipinakita ang dagling pangangaila­ngan sa pagbuo ng isang ahensyang tutugon sa pa­nga­ngasiwa ng ­disaster response upang mas magiging epektibo ang Disaster Risk ­Reduction and Management ng pamahalaan. Mababawasan din ang epekto o pagkasira ng mga lugar na matatamaan ng kalamidad gayundin ang pagtuturo na ma­ging disaster resilience ang mga lokal na ­komunidad sa harap ng nagbabagong klima at natural na kalamidad.

Kung magkakaroon ng ahensya na nakatuon sa disaster response at mitigation ay masisigurong iisa ang direksyon ng polisiya sa pagtugon at may masinsinang koordinasyon sa lahat ng lugar sa bansa upang hindi na maaantala ang anumang tulong na ­kakailanganin ng isang lugar na tatamaan ng anumang kalamidad – isang ahensiyang gigiya sa mamamayan kung paano paghandaan ang nakaambang panganib at tiyakin ang ating ­kaligtasan.

Kinakailangan ang hiwalay na kagawaran dahil hindi sapat ang lawak at sakop ng mandato ng ­kasalukuyang National Disaster Risk Reduction and ­Management Council (NDRRMC) para tugunan ang mga kalamidad na tumatama sa bansa. Kailangan din na ang mamumuno dito ay ­kapantay ng mga ­Kalihim ng ­Gabinete upang epektibong makapagkumpas sa panahon ng panga­ngailangan.

Kaya sa aking mga dating kasamahan sa lehislatura at kapwa lingkod-bayan, huwag nang magpatumpik-tumpik pa o mabalam ng agam-agam. Isabatas na ang DDR at ating pagtulungan ang pambansang pagtugon, ­kahandaan at pagsiguro sa ating kaligtasan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy