Una sa Balita

DENR umaksiyon sa ₱2M nakawan sa Avilon Zoo

By
0 285

Ikinasa ng Department of Environment and Na­tural Resources (DENR) ang imbestigasyon sa pagnanakaw ng mga endangered na hayop sa Avilon Zoo sa ­Rodriguez, Rizal.

Kasunod ito ng ulat na maaaring inside job ang pagkawala ng mga hayop na nagkakahalaga ng kabuuang P2 milyon.

Tinapik ng DENR ang tulong ng mga pulis sa Rodriguez para matunton ang may kagagawan ng pagnanakaw.

Sa inisyal na im­bestigasyon ng pamunuan ng zoo, ang mga unggoy at ibon na nasa hawla ay hindi basta makukuha kung hindi maru­nong mag-alaga ng hayop.

Nabatid na wala ring CCTV sa lugar kaya’t hindi nakita ang ­kumuha ng mga hayop.

Sa salaysay ni Anthony Belmonte, Animal Transfer Coordinator ng zoo, kinuha pa daw ng kawatan ang susi sa office at binuksan ang padlock sa hawla ng black palm cockatoo.

Noong Hunyo, nawala din ang tatlong red footed tortoise, isang yellow footed tortoise at isang mature common snapping turtle.

Sumunod na nawala ang isang brown tuf­ted capuchin monkey at tatlong black palm cockatoo.

Noong una ay iniisip lang nilang nakawala sa hawla ang mga loro at unggoy pero nagduda na sila dahil pati mga pagong ay naglaho din.

Tinatayang P2 mil­yon ang halaga ng mga ninakaw na hayop na inalagaan sa zoo bilang bahagi ng conservation program.

Ilan sa maaaring pagdalhan ng mga ninakaw na hayop ay sa mga pet shop.

Sa ilalim ng Republic Act 9147, may pa­nanagutan ang mga mahuhuling may hawak o sangkot sa bentahan ng mga endangered na ha­yop. (Riz Dominguez)