DENR nilunsad mobile game tungkol sa basura

Inilunsad ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang isang mobile gaming application na tinawag na “Basura Buster”, isang alternatibong paraan sa tamang paghihiwalay ng basura na idinisenyo para sa mga batang may edad 5-8.
Ayon kay DENR Sec. Roy Cimatu, ang Basura Buster ay isang web-based gaming app na magtuturo sa manlalaro sa tamang paghihiwalay ng basura sa educational at entertaining na paraan.
Ito ay inilunsad bilang isa sa mga proyekto sa ilalim ng DENR’s Solid Waste Management Advocacy Campaign, na layuning maitanim sa isipan ng mga Pilipino ang mas mabuting environmental behavior.
Ang Basura Buster ay libreng maida-download sa Google Play Store. Ito ay simpleng ‘drag and drop game’ kung saan ang mga manlalaro ay ilalagay ang mga nalalaglag na basura sa tamang trash bin.
Color-coded din ang mga trash bin batay na rin sa nationally acceptable standards upang maturuan ang mga bata sa tamang paghihiwalay at pagtatapon ng basura – ang kulay berde ay para sa biodegradable waste, itim para sa residual, asul para sa recyclable at dilaw para naman sa household healthcare.
“Amidst the pandemic, solid waste management is undoubtedly one of the biggest challenges in our country today. And as technology is evidently valuable in the education of children, we have created this educational game app to build a firm foundation on managing solid waste while they are still young,” saad ng kalihim.
Ang laro ay ginawa na may kasamang fun animation, kung saan bawat tamang ‘match’ ay makadaragdag sa puntos ng manlalaro at makapupunta sa susunod na level ngunit kapag nagkamali ay maaaring matalo at mababawasan ang buhay at uulitin ang level para sa incorrect match.
Bawat level ay may iba’t ibang degree of difficulty habang nadadagdagan ang dami ng colored trash bins at bumibilis ito.
Ang app na ito ay naglalaman din ng leaderboard kung saan ay makikita ang mga manglalarong may mataas na puntos at maaaring makipaglaban sa bawat bata nationwide, maging sa mga sa ibang bansa. (Riz Dominguez)