Una sa Balita

DENR: Huwag munang magpa-reserve sa Boracay

By
0 296

PINAYUHAN ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang publiko na huwag munang kumuha ng kanilang reservation sa Boracay para sa nakatakdang pagbubukas nito sa Oktubre.

Ang payo ay ginawa ni Environment Secretary Roy Cimatu dahil marami ang excited na unang bumisita sa Boracay para makita ang naging rehablitasyon sa isla matapos ang anim na buwan.

Ani Cimatu, hindi lahat ng mga establisi­myento ay kasabay na magbubukas sa Oktubre 26 dahil marami ang hindi pa rin nakaka-comply sa kanilang itinakdang requirements.

Sabi ng kalihim, nakatakda silang magpa­labas sa susunod na buwan ng listahan ng mga accredited establishments na 100% compliant at kanila ding ihahayag kung kailan maaari nang tumanggap ng mga booking.

Una nang sinabi ni Cimatu na ang dry run sa Boracay opening ay magsisimula ng Oktubre 16 hanggang 25 kung saan bubuksan ito sa mga local tourist suba­lit mas prayoridad ang mga residente ng Aklan at sa Oktubre 26 soft opening at bukas ito sa local at foreign tourist subalit limitado lamang sa 5,000.

Samantala, tuloy pa rin ang paniningil ng environmental fees sa Boracay sa kabila ng nauna nang kontro­bersiya sa pangongolekta nito.
Sinabi ni Cimatu na P75 pa rin ang magiging fee subalit maaari pa rin itong magbago depende sa magiging desisyon ng Boracay Inter-Agency Task Force.

Titiyakin ni Cimatu na kanilang babantayan ang koleksiyon ng environmental fees upang masigurong mailalaan ito sa pagpapaganda ng isla hindi gaya ng nakaraang sistema kung saan sa mahigit 200 mil­yong turista na bumisita sa Boracay na dapat sana ay P150 milyon ang makolektang fees suba­lit P91 milyon lamang ang nai-remit.

Matatandaan na ilang lokal na opisyal na ng Boracay ang kinasuhan na ng Deparment of Interio­r and Local Government (DILG) dahil sa ano­malya sa pangongolekta ng environmental fees.