Una sa Balita

Dennis Uy gustong sakupin ang Davao, Panglao airport

By
0 3,090

Nagsumite ng unsolicited proposal ang kompanyang pag-aari ng negosyanteng si Dennis Uy upang makontrol ang buong operasyon ng mga paliparan sa Davao at Panglao sa Bohol.

Inihayag ng Chelsea Logistics Holdings Corp. na nagprisinta sila ng proposal sa ilalim ng Public-Private Partnership (PPP) sa Department of Transportation (DOTr) para mag-deve­lop, operate at pangasiwaan ang mga paliparan sa mga nabanggit na lalawigan sa loob ng 30 taon.

Nasa P67 bilyon ang tinatayang project cost ng kompanya para ga­wing moderno ang mga paliparan ng Davao at Panglao at maging world-class.

Sinabi pa ng kompanya na hindi sila hihingi ng subsidiya mula sa pamahalaan para sa nasabing proyekto.
Tiniyak pa ng kompanya na magkakaroon na kaagad ng pagbabago sa mga naturang paliparan sa susunod na taon kapag inaprubahan ng DOTr ang kanilang kahilingan.

Si Uy ang may-ari ng Phoenix Pet­roleum at nabili na rin nito ang convenience store chain na Family Mart at ilang shipping firms sa bansa.

Isa siya sa mga sumuporta sa kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte noong 2016 presidential elections. Nang ipagdiwang ng Phoenix ang ika-10 anibersaryo ng kompanya sa stock exchange ay special guest dito ang Pangulo.