‘Denggoy Vaxx’

By

Alam nating lahat na kapag tayo ay nakabili ng depektibong gamit, dapat lang na pwede itong palitan o maibalik sa atin ang ibinayad natin.

Lalo na kapag mahal ang pagkakabili natin dito.

At lalo na kapag apek­tado ang kalusugan ng tao o maraming tao.

Ang malaking controversial “Denggoy Vaxx” issue ngayon tungkol sa pagkakabili ng depektibong gamot na nagkakahalaga ng P3.5B at naka­apekto sa napakaraming kabataan ay hindi dapat maisantabi lamang.

Dahil depektibo ang mga dengue vaccines, nara­rapat lamang din na tayo ay mag-demand na isauli ang bilyun-bilyong ibinayad ng ating gobyerno sa Sanofi na siyang nag-supply ng depektibong gamot na Dengvaxia.

Ayon sa ating Republic Act 9184, ang Sanofi ay obligado na mag-reimburse o magbalik ng ibinayad dahil depektibo ang Dengvaxia.

Sa katunayan, ang RA 9184 ay nag-uutos din sa mga supplier na mag-post ng ‘retention money’ sa ating gobyerno hanggang matapos ang warranty ng mga produkto para masigurado na maayos at hindi depektibo ang nai-supply sa ating gobyerno.

Ito ay standard clause na nakapaloob sa lahat ng government contracts. Kung wala ito sa kontrata sa pagbili ng bakuna, siguradong may natulog sa pansitan.

Isang halimbawa dito ay ang proyekto ng public works, kung ang mga daan na ginawa ay depektibo, hindi naman ito makikita agad.

Bagkos, ito ay lalabas o makikita pagkalipas pa ng ilang araw o linggo.


At kapag may nakitang depekto, ang contractor ang gagawa nito nang walang dagdag na bayad galing sa gobyerno.

Kung ang isang bagay na nabili, tulad ng gamot, ay hindi pwedeng palitan, kasi walang ipapalit, ang gobyerno natin ay dapat mag-demand na lang ng balik-bayad.

Ang “no return, no exchange policy” ay hindi nag-a-apply sa ­kahit anong purchase ng gobyerno natin.

Bumili ka ng plantsang sira, pwede mo isauli.

Ito pa kayang napakalaking procurement ng gamot na hindi lang basta walang bisa kundi maaari pang magdulot ng masamang epekto sa katawan ng mga nabakunahan na.

Sa ilalim ng RA 9184 na siyang gamit na parang Bibliya ng ating civil service, kahit ang simpleng office supplies, car parts, appliances na binili ng gobyerno ay dapat ­pumasa sa quality test.

Kaya ito ang reseta natin sa Sanofi: Isauli ninyo ang bayad namin.

***

Dahil din dito sa kontrobersiya na ito, mas ma­daming paliwanagan ang gagawin ngayon ng Department of Health (DOH) sa target nito na bilhin ang mga bagong gamot para sa darating na taon.

Sa 2018 proposed budget ng DOH, balak nitong bumili ng mga ­vaccines na nagkakaha­laga ng P7.4B.

Pero paano mo iga­garantiya sa ating mga mamamayan na ang mga vaccines na bibilhin ng gobyerno para sa 2018 ay safe na gamitin lalo na ng mga kabataan?

Ito naman ngayon ang katanungan ng karamihan sa gitna ng controversial Denggoy Vaxx issue kung saan nagmistulang “guinea pigs” ng depektibong gamot ang mga batang Filipino na nauna nang nabakunahan ng dengue vaccine.

Kaya naman sa ayaw at sa gusto natin, isang side effect ng mga pangyayaring ito ay ang pagdami din ng katanungan ng mamamayang Filipino ukol sa mga gamot na bibilhin ng gobyerno gamit ang taxes nila.

Ang mga batang Filipino ay hindi guinea pigs.

‘Yan ay isang mala­king leksyon at katotohanan na dapat alam nating lahat para hindi nangyayari ang tulad ng “Denggoy Vaxx” issue.

SHARE