Una sa Balita

Delicadeza tumubo sana sa mga opisyal ng gobyerno

By
0 417

Tila marami ang nagulat sa biglaang pagbitiw ni Pulong Duterte bilang Vice Mayor ng Davao City. Marahil pati si Inday Sara ay na­bigla rin sa desisyon ng nakakatandang ka­patid.

Sa isang liham na binasa ni Sir Pulong, inamin nito na lubos itong naapektuhan sa mga bina­batong paratang ng mga kalaban pati ang hidwaan niya sa kaniyang anak at dating asawa.

Ito ang nag-udyok sa kaniya upang panindigan ang desisyon.

Sinabi niya na tinu­ruan siya ng ‘delicadeza’ ng kaniyang mga magulang. At narinig ko ang isang salitang minana natin sa mga Kastila pero tila nakalimutan na natin sa kasalukuyan.

Ang delicadeza ay isang bagay na nagpapakita kung paano ka pinalaki ng mga magulang mo. Hindi ito kahihiyan sa mata ng publiko kundi ito ay kahihiyan mo sa sarili.

Bagama’t walang ginawang mali si Pulong Duterte na dapat ikahiya, naramdaman nito pang kahihiyan sa sarili na tuparin pa ang katungkulan sa bayan sa gitna ng mga ginagawa ng taong malapit sa kaniya.

‘Yan po ang pagpapakumbaba sabayan at pag-amin hindi sa kamalian kundi sa kahinaan bilang tao at pagkukulang bilang ama.

Naalala ko ang nanay ko dati nu’ng pinatawag siya ng guro ko nu’ng Grade Two ako.
Masyado raw akong maingay at hindi raw ako nakikinig sa sinasabi ng titser ko na si Mi­sis Saso.

Tinawag ako ng nanay ko at sa harap ng guro ay humingi ng tawad sa kagaspangan ng ugali ko. Ang lola ko naman na kasama ko ay hindi nakuntento at nakatikim ako ng kurot sa singit.

Hindi ako napahiya sa guro ko. Maingay­ at mahilig naman tala­ga akong sumagot sa kaniya, pero nahiya ako sa sarili ko na kaila­ngan pang magpakumbaba ang nanay ko dahil sa akin.

Pero iba na po nga­yon. Ang mga magulang, kung sasabihin ng isang guro na may mali sa mga anak nila ay kasalanan pa ng guro.

Nawala na ang delicadeza sa karamihan ng makabagong Pinoy.

Sana tubuan ng delicadeza ang mga opisyal natin sa gobyerno at tularan si Pulong.
Christmas wish po.