Una sa Balita

Dekalogo ni Bonifacio bilang dokumento na nagbuo ng bansa

By
0 99

Kahapon, isinubasta sa Leon Gallery ang orihinal na kopya ng “Katungkulang Gagawin ng mga Anak ng Bayan” na mas kilala bilang Dekalogo ng Katipunan sa mismong sulat kamay ng Tagapagtatag ng Katipunan at Ama ng Himagsikan na si Andres Bonifacio. Nagsimula ang bid sa hala­gang P1.2 milyon. Nakakalungkot na walang paraan ang pamahalaan na makuha ito dahil sa higpit ng budget.

Kasi tatandaan natin na tulad ng sinabi ng yumaong Benedict Anderson na ang bansa ay hiniraya (imagined) ng mga salita at ideya ng mga nagtatag nito. Sa Kapitolyo ng Estados Unidos, naka-display sa bullet proof glass ang kanilang mga founding documents – ang “Declaration of Independence” at ang unang kopya ng kanilang Konstitusyon.

Sa aking pananaw, ang mga pinakamahalagang dokumento nagbuo sa atin ay ang Noli Me Tangere, El Filibusterismo at ang Mi Ultimo Adios ni José Rizal na ngayon ay iniingatan ng Rare Manuscripts Section ng ating National Library kasama ang iba pang mga sinulat ng ating mga bayani. Pero ni isa, wala silang dokumento mismo ni Bonifacio.

Pero sa mga nasa priba­dong kamay, ang Dekalogo ang pinakaimportanteng manuskrito na nagbuo ng ating bansa.

Sinulat ang moral code na ito ni Bonifacio kasabay mismo ng pagsusulat ni Emilio Jacinto sa Kartilya. Sa huli mas nagustuhan ni Bonifacio ang Kartilya. Ngunit hindi man ito ginamit ng Katipunan sa kanilang panahon, nakalagay mismo sa Dekalogo ang kahulugan ng “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa” na sinasabi niyang walang hihigit sa pagkadalisay at pagkadakila sa isa pang tula niya. Dahil sa unang dalawang numero nito makikita na ang pag-ibig sa lupang tinubuan ay kapwa pag-ibig sa Diyos at pag-ibig din sa kapwa. Narito rin ang paalala ni Bonifacio sa atin na hindi kailangang mamatay para ibigin ang bayan: “Ang kasipagan sa pag hahanap-buhay ay siyang tunay na pag ibig at pag mamahal sa sarili sa asawa, anak at kapatid o kabayan.” Kumbaga, narito ang mga payo niya sa atin kung ano ang dapat nating gawin upang maitanghal ang bayan, “Sa kalamigan ng loob, katiagaan, katuiran at pag asa sa ano mang gagawin nag bubuhat ang ikagaganap ng mabuting ninanais.” Hindi magwasakan sa Facebook.

Mahalaga na makita pa rin natin ng aktuwal ang manuskrito upang ma-appreciate natin na napakaganda pala ng sulat ni Bonifacio para sa isang sinasabing hindi edukado, pero mawala man sa ating mga pani­ngin ito, mas mahalaga na alam natin ang laman nito at pinakamahalaga, na subukang isapuso ito.

Lagi nating sinasabi ni si Bonifacio ay atapang atao. Paalala ang deka­logo na tinuruan din niya tayong umibig. Ang mga piraso ng papel na ito ay nagbuo sa ating samba­yanan pero mas mahalaga kaysa sa papel ay ang ating mga pusong tumitibok na dumadamay sa kababayan, “Bahaginan ng makakaya ang alin mang nagdaralita.”