Una sa Balita

Deed of sale o deed of rights?

0 402

Dear Atty. Claire,
Isa po akong OFW at kasala­kuyang nagtatrabaho dito sa Saudi Arabia. Ako po ay lumaki sa pangangalaga ng lola ko simula pagkabata (7 yrs. old) hanggang sa nagkaroon ako ng sariling pamilya.

Ang titulo ng lupa ng lola ko ay hiniram at isinangla sa bangko ng kamag-anak namin upang makapag-loan at gamitin sa negosyo. Sa kasamaang palad ay hindi naging maayos ang negosyo at bumagsak ito hanggang sa hindi na nila nagawang bayaran ang pagkakasangla ng titulo ng lupa at lumaki ng lumaki ang interest. May dalawang anak ang lola ko at sila na ang tumubos ng pagkakasangla ng lupa sa bangko.

Sa madaling salita lumalabas na ang da­lawang magkapatid na ang nagmamay-ari ng lupang tinubos nila sa bangko at nailipat na sa pangalan nila ang titulo. Ako po ay nakiusap sa magkapatid na kung pwede mabigyan nila ako ng kahit maliit na lote na pwede kung pagtayuan ng maliit na bahay at babayaran ko naman yun. Pumayag naman po sila at nagkasundo ng duon ako magpatayo ng bahay sa pag-itan ng lupa nila na may sukat na 81 sqm. (9mx9m) bale tig 9mx4.5m po. Ang tanong ko po kung sakaling mabayaran ko ang lupa na kinatitirikan ng bahay ko, pdwed po bang DEED OF SALE ang ipagawa ko? Sabi po  ng asawa ng isa sa magkapatid ay DEED OF RIGHTS lang daw ang ipapagawa sa akin. Tama po ba yun?

Umaasa po ako na sana ay mapayuhan nyo ako kung anong dokumento ang nararapat para sa lupang kinatatayuan ng bahay ko.

Best regards,
Ric

Ric,
Nais kong ipayo na bago mo makumpleto ang pagbabayad ng sinasabi mong parte ng lupa ay mapapirma mo ang nagbebenta ng isang Contract to Sell upang may pinanghahawakan ka ng katibayan na ikaw ay nagbabayad para sa parte ng lupa na may sukat na 81sqm. 

Dapat na isang Deed of Sale ang gawin ninyo kapag nabayaran mo na ng buo ito dahil iyan naman ang inyong kasunduan—kukuha ka ng parte ng lupa at babayaran mo. Iyan ang isang malinaw na bentahan ng lupa dahil may konsi­derasyon o bayad kang ibibigay sa may ari ng lupa.

Hindi dapat rights (to use) lamang ang ibebenta sa iyo, dahil ang lupa mismo ang iyong binibili. Kung rights lamang ang magiging subject ng bentahan ninyo ay hindi mo mapapatunayan sa mga susunod na panahon na ang lupa ang binili mo.  Kaya mag ingat sa dokumentong pi­pirmahan.

Dapat ngayon pa lamang na nagbabayad ka ay may kasulatan na kayong napirmahan na patunay ang napagkasunduang bentahan, tulad ng Contract to Sell at mga patunat ng mga.natatanggap na bayad mula sa iyo.

 ***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 410-7624 o 922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy