Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Dedbol sa Caloocan jail riot, 6 na

0 79

Nagsasagawa ng malalim na imbestigasyon ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) kaugnay sa naganap na riot sa loob ng Caloocan City Jail nitong Lunes.

Inaalam pa rin kung saan nanggaling ang mga kontrabandong armas na natagpuan sa riot.

Nabatid na agad sinibak sa puwesto si Supt. Neil Subibi, Caloocan City Jail warden at pinalitan ni Jail Supt. Lloyd Gonzaga, Martes ng umaga, matapos ang patayan sa loob ng city jail kamakalawa.

Nilinaw ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Xavier Solda na anim na persons deprived of liberty ang kumpirmadong nasawi sa insidente samantalang 33 naman ang nasugatan.

Sa progress report mula kay Northern Police District (NPD) Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr., nakilala ang mga nasawing PDL na sina Arturo Bihasa, 60-anyos, at Hand Omas, 35, kapwa miyembro ng Commando Gang; Sherwin Perez, 52, at John Patrick Chico, 21, parehong miyembro ng Sputnik Gang; at ang da­lawa pang dagdag na nasawi na sina Joel Andrino at Joe Santaguda, kapwa miyembro ng Commando Gang.

Samantala, dalawang jail officer na sina Insp. Freedom Mondeia at Jail Officer 1 Niño Sarmiento ang nasugatan din sa naturang madugong riot na sabay na dinala sa pagamutan kasama ang 31 iba pa.

Nakipag-ugnayan na umano ang pamunuan ng Caloocan City Jail sa pamilya ng mga nasawi.

“Nagsimula po ito sa biruan, nagkapikunan, hanggang sa nagkampihan na ang iba’t ibang tao mula sa iba’t ibang grupo,” ayon kay Solda.

Sa report ng Caloocan Police, nagsimula ang riot nang magkapikunan ang apat na presong naglalaro ng cara y cruz na kung saan magkalabang grupo ang Sputnik at Commando gangs.

Ayon kay PNP Chief General Dionardo Carlos, nagsasagawa na ng im­bestigasyon ang PNP kaugnay sa insidente.

“The police is further investigating this incident in coordination with the BJMP because it involves mutiple casualties. The PNP will also look at the presence of various opposing gangs inside the jail facility that may have started the riot because those who died belong to different groups.” (Vick Aquino)

Leave A Reply

Your email address will not be published.