Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Dedbol kay ‘Odette’ lagpas 300 na

0 280

Patuloy na nadadagdagan ang bilang ng mga namatay sa hagupit ng bagyong ‘Odette’ sa Visayas at Mindanao, base sa nakalap na ulat ng Philippine National Police (PNP) nitong Lunes ng gabi.

Sa consolidated report na inilabas ng PNP nasa 375 na ang bilang ng nasawi, 52 nawawala habang 500 ang iniulat na sugatan dahil sa nasabing sakuna.

Ang ulat ng mga nasawi sa bagyong ‘Odette’ ay ibinase ng PNP sa mga isinusumi­teng ulat ng local na pulisya, ayon kay PNP Spokepserson Police Col. Rhoderick Alba.

Ang mga ulat ng nasawi, nawawala at sugatan ay biniberipika ng Department of Health at National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Karamihang naiuulat na nasawi ay pawang mga nalunod o nabagsakan ng puno at mga sanga ng punongkahoy na nabubunot o napuputol dahil sa lakas ng hangin na dala ng bagyo.

Patuloy namang nagsasagawa ng search and rescue mission ang mga kapulisan sa lahat ng lugar na apektado ng bagyo.

Kahapon ng umaga ay iniulat ng PNP na nasa 211 ang nasawi kay ‘Odette’ at iginiit na tataas pa ang bilang ng mga casualty.

Sa ulat naman ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kahapon ay nasa 58 na ang patay. (Sherrylou Nemis/Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.