Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Dear Digong

0 21

“There are two ways to be fooled. One is to believe what isn’t true; the other is to refuse to believe what is true.”

~ Soren Kierkegaard

Ito po ay isang bukas na liham para sa inyo Pangulong Duterte kaugnay ng paglaban nating lahat sa bantang panganib ng Covid19.

Hindi po ako tatakbo sa anumang posisyon sa darating na eleksyon 2022 kaya ‘di ako maaring balikan ni Tagapagsalita na ‘namumulitika lang’.

Nais ko lang iparating ang hinaing ng mga frontliner, ordinaryong Pilipino, mga naulila at sarili kong obserbasyon.

Matapos ang mahigit na isang taon ng pandemic, tila bumabalik tayo sa simula o mas malala pa.

Bakit? Dahil sa maniwala ka o hindi, nililigaw po kayo ng mga taong pinagkakatiwalaan ninyo tungkol sa totoong nangyayari sa pandemic ng bansa.

Noong Marso, ilang linggo matapos isailalim ang National Capital Region (NCR) sa kauna-unahang lockdown o enhanced community quarantine (ECQ), ibinulgar ko ang pagkapuno na ng mga bangkay ng mga morgue sa isang ospital sa Quezon City. Resulta ng kabiguan ng mga punerarya na kuhanin ang mga labi na sanhi ng COVID-19.

Ito ay impormasyon na galing sa mga healthcare workers na personal kong ipinagkatiwala kay Health Sec. Francisco Duque III.

Imbes na aksyunan, sinabihan pa na ‘fake news’ ang ibinahagi kong impormasyon.

Pero kinabukasan, personal na pinuntahan ni Duque ang East Avenue Medical Center (EAMC) at noong gabi ay nagpadala ng isang malaking truck na may freezer para doon muna ilalagak ang mga labi.

Kasabay nito ang isinumbong din sa akin na pagkontrol ng bilang ng mga nagpo-positibo sa COVID-19.

Hindi magtugma ang bilang ng mga namamatay sa pampubliko at pribadong hospital sa iniuulat ng DOH sa media.

Pero maging ito ay tinukoy ni Duque na ‘fake news’ hanggang sa sumambulat na sa kanilang mukha ang totoong dami ng mga kaso ng covid19 araw-araw na ngayon ay lagpas na sa isang milyon.

Huling linggo ng Disyembre, taong 2020, ibinulgar ko ang nangyayaring bakunahan sa Binondo at sa isang establisimyento sa Pasay City. Binanggit ko rin na tapos nang bakunahan ng Sinopharm ang mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG).

‘Fake news’ na naman ayon kay Duque dahil wala pang aprobadong bakuna ang Food and Drug Administration (FDA).

Pero sa isang episode ng Talk to the People, mismong si Pangulong Duterte ang umamin na naturukan na nga ang kanyang mga miyembro ng PSG ng Sinopharm. Bagama’t hanggang ngayon ay ‘di pa alam sino ang iligal na nagpasok noon ng Sinopharm sa bansa.

Pero malinaw na papaano nakakapasok ito sa bansa nang ‘di nasisita ng Philippine Coast Guard (PCG). Di ba’t inamin ni Vaccine Czar Carlito Galvez, Jr l. na ilang beses na ginamit ang C130 at Navy Ships ng Armed Forces of the Philippines (AFP) para kumuha ng mga medical supplies sa China.

Kasabay ko ring binunyag ang sumbong ng isang supplier ng ‘face

shields’ noong Enero ng taong ito, kaugnay ng paghingi ng P50 milyong ‘tongpats’ ng isang opisyal ng Department of Budget and Management (DBM) para payagan na silang makapag-supply sa bansa.

Personal ko pang nakita ang palitan ng text messages ng isa sa may-ari ng kompanya (lokal) at ng government official. At ngayon bahagi na ito ng malawakang imbestigasyon ng Senado.

Ang punto ko po rito Ginoong Pangulo kulang sadyang ang nakakarating na impormasyon sa inyo. Nagyayabang lang at huwad ang pini-picture na situwasyon – tila ayos at kontrolado ang lahat.

Kaya ang resulta – kayo mismo, kulang din ang magiging diskarte. Ampaw na ampaw ang diskarte.

Noong una, tumanggi ka na palitan si Duque dahil aniya di maganda na alisin siya sa gitna ng patuloy na laban sa Covid19.

Pero, may nabago ba sa epekto ng Covid19 sa bansa? Wala naman di ba? Ginawa ka lang bulag at bingi.

Lahat ba ng dumadaing, distabiliser? Lahat ba ng may hinaing, komunista? Yan ang pinapaniwala nila sa iyo. Sila ay mamamayang Pilipino rin at sa panahon ng kagipitan, walang partido o idelohiyang kinakapitan ang pandemic.

Panahon na siguro ‘to change guards’ ‘ika nga. Di pa huli Mr. President, makakabawi ka pa sa hamon ng COVID para ‘di mapahamak ang maraming bilang ng mga Pilipino.

Huwag ka nang magpabola sa nakapaligid sa iyo. Napansin mo rin di ba na linggo-linggo na lang ang bukambibig ni Sec. Salvador Panelo ay maraming mayor at gobernador ang nagnanais na tumakbo ka bilang Bise Presidente. Ano ang sabi mo, “sigurado ka (Panelo) na hindi ka niloloko ng mga alkaldeng yan.”

Mr. Presidente iba ang ipinaparating sa iyo ng marami sa iyong close friends sa gobyerno. Niloloko ka nila. Inabuso nina Christopher Lao at Michael Yang ang tiwala mo sa kanila para pagsamantalahan ang pondo ng bayan sa kanilang sariling interes.

Nilinlang ka ni Duque sa isyu ng mga benepisyong ipinangako niya para sa doktor at nurse. Magkasabwat silang dalawa ni Roque na isumbong sa iyo na lahat ng nagsasagawa ng kilos protesta sa mga hospital ay mga komunista at layon kang pabagsakin sa puwesto.

Mr. Presidente, lumabas ka kung kinakailangan para personal mong masaksihan ang totoong nangyayari sa mga Emergency Room, sa mga barangay, sa mga paaralan, at iba pa.

Nililigaw ka nila!!!

At ngayon, nilagdaan mo ang isang Executive Order para isailalim ang buong bansa sa ‘State of National Calamity dahil covid19. Sino ang nagkumbinsi sa iyo?

Posible itong magresulta sa pagwaldas ng kaban ng bayan pabor sa mga kandidato mo sa eleksyon 2022.

Hindi mo ba nakikita yun o lumalagpas lang sa iyong tingin?

Walang Personalan.

Leave A Reply

Your email address will not be published.