Una sa Balita

Dear Digong: Sana ordinaryong tao ang pakinggan mo!

By
0 125

Idinaan ng isang lider-militante sa Facebook ang pagbibigay ng mensahe kay Pa­ngulong Rodrigo Duterte dahil tila nakakalimot umano ang Pangulo na dapat ang mahihirap na manggagawa at magsasaka ang pinakikinggan ng pamahalaan.

Sa mensahe ni Renato Reyes, secretary general ng Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), nanawagan ito kay Duterte na mag-i­ngat sa mga negos­yante at mga oligarchs na gusto lang umano ay magkamal ng tubo at hindi kailanman naghangad ng ikabubuti ng mga ordinaryong Filipino.

Ang maikling liham/mensahe ni Reyes ay kasunod ng tila aliw na aliw umanong pakikipag­kuwentuhan ni Pangulong Duterte sa mga ma­yayamang kapitalista at mga makapangyarihang pamilya sa katatapos na The Outstanding Filipino (TOFIL) Awards 2016 sa Heroes Hall ng Malacañang, kamakalawa.

Narito ang maikling mensahe ni Reyes: “Dear Digong, Mas mainam makinig sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na sa mahihirap na manggagawa at magsasaka, kesa sa mga malalaking negosyante tulad nu’ng mga nasa Malacañang kagabi… Ingat diyan kila Peter Wallace at iba pang kumakatawan sa big business at mga oligarchs.”

Nais iparating ng mensahe ni Reyes ang pakiusap kay Duterte na ‘wag kalimutang pakinggan ang hinaing ng mga maliliit na mamamayan tulad ng panawagang wakasan ang ‘endo’, pagpapalaya sa mga political prisoners, wakasan ang militarisasyon sa kanayunan, disenteng trabaho sa mga Filipino, pabahay sa mahihirap, at ang paghingi ng katarungan sa panakaw na paglibing kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.

Hindi rin nakaligtas sa puna ni Reyes ang tila ‘feel na feel’ umanong pakiramdam ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos na makabalik sa Malacañang.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy