Una sa Balita

‘Deadly Trio’ ng Warriors may pahiyang kapag malas

By
0 1,040

Iba-iba ang estilo nina Stephen Curry, Klay Thompson at Kevin Durant para bumawi pagkatapos ng off-night nila.

Kanya-kanyang paraan ang Golden State shooters.

Si Curry, may tinatawag na ‘The Menu” na binubusisi niya pagkatapos ng maalat na laro.

Walang libro o listahan, nasa isip na ni Curry at ng right-hand shooting man niyang si Bruce Fraser. Nakadetalye na sa utak nila kung ano ang dapat gawin o baguhin ng 3-point sharpshooter sa kanyang bitaw.

Minsan, kailangan ng two-time MVP ng catch-and-shoots, o kaya ay off-the-dribble, minsan mula ball handling bago tumira. O kaya ay kung saang spot siya titira.

“It’s like going to dinner with your wife,” simpleng paliwanag ni Fraser. “Different restaurant, different menu. We have a lot of things to pull from and it’s usually based one day, need.”

Kapag minamalas si Thompson buong gabi, pagkatapos ng laro ay magsu-shooting pa siya. Depende kung pagod na o hindi, pupukol siya ng mula 50 o kaya higit 200.

Nang matalo ang Warriors sa San Antonio sa Game 4 ng first-round series, 4-for-16 lang sa field si Thompson at tumapos ng 12 points. Pagkatapos ng laro, tumira siya ng “a couple hundred”.

Pagkatapos ng off-night, binabalikan ni Durant sa isip niya ang bawat hawak niya ng bola, pinag-aaralan ang mga tira. Pero kadalasan ay ‘yung mga pumasok lang ang inaaral niya mentally.