Una sa Balita

De Lima ulyanin – Revilla

0 344

MARIING kinondena ni dating Sen. Bong Revilla si Senador Leila De Lima matapos itong magbigay ng pahayag na magkaiba umano ang kanyang kategorya nang pagkakakulong kumpara kay Revilla.

Sinabi kasi ni De Lima na ‘di tulad ni Revilla, na bumuno ng halos limang taong pagkakabilanggo, siya raw dapat ang wala sa kulungan at biktima lamang ng sitwasyon.

Binigyang-diin ng beteranong mambabatas na tila nag-uulyanin, dumaranas ng dementia at matinding amnesia si De Lima dahil nakalimutan na nito na siya mismo ang nanguna sa persekusyon at panggigipit, nagtahi-tahi ng mga kasinungalingan at bumalewala sa katotohanan kaya nakulong si Revilla.

Idinagdag pa ni Revilla na hanggang sa kasalukuyan ay binabalewala ni De Lima ang desisyon ng Sandiganbayan na nagpatotoong wala siyang kasalanan nang ibasura ang isinampang kaso laban sa dating senador kaya ito naabsuwelto at napawalang-sala at tuluyang pinalaya noong Disyembre 7, 2018.

Ipinunto rin ni Revilla na kaya nakulong si De Lima ay dahil sa utos ng korte matapos ang mga positibong testimoniya at ebidensiya na nagpapatunay ng kanyang kaugnayan sa operasyon ng iligal na droga sa bansa. “Kung may pagkakaiba kami, ang korte sabi wala akong kasalanan at dapat palayain; siya, ang korte mismo ang nagsabing dapat siyang ikulong dahil mukhang totoo ang mga bintang sa kanya.”

“Kaya hindi siya ang biktima ng kawalan ng hustisya. Matapos niya akong siraan at gibain, eto ang korte na nagsabing wala akong kasalanan at hindi dapat nakulong. Kagagawan niya ang panggigipit sa akin at pagkakakulong ko. Kagagawan din niya ang pagkakakulong niya dahil sa pagiging drug lord niya,” ani Revilla.

“Ngawngaw nang ngawngaw ang mga kritiko ng administrasyon na wala raw nahuhuling big-fish sa droga pero eto sila pinoprotektahan ang isang bigfish na si De Lima,” paliwanag nito.

Si Revilla na ngayon ay nasa ikaanim na puwesto sa isinagawang survey ng SWS ay binanatan din ang mga dayuhang politiko at orga­nisasyon na mga hipokrito at pakialamero na wala naman umanong ipinapel noong siya naman ang makulong ng walang kasalanan.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy