Una sa Balita

De Lima: Si Alfred ‘yun!

By ,
0 0

Nilinaw kahapon ng tanggapan ni Sen. Leila de Lima na hindi ito dumalo sa diumano’y birthday party ng suspected drug lord na si Herbert Colangco.

Ginawa ng tanggapan ni De Lima ang paglilinaw dahil sa video na ipinost sa Facebook (FB) page ng “Pilipinas Kong Mahal tungo sa Pagbabago” na duma­lo umano ang senador sa birthday party ni Colangco.

Ayon kay Atty. Philip Saliwa, chief of staff ng senador, ang nasabing video ay naganap sa Department of Justice (DOJ) quadrangle noong Agosto 2015 sa birthday party ni De Lima noong kalihim pa ito ng kagawaran.

“…Who was claimed to be drug lord Colangco was really Cong. Alfred Vargas, who was one of the guest.

Others who attended were emcee Imelda Papin, Usec. Jovy Salazar and DOJ employees,” ayon kay Saliwa.

Ipinaliwanag din ng staff na kaya na-shades si Vargas sa video ay dahil sa may sore eyes ito, kung kaya’t hindi ito magawang makipagkamay o high five kundi siko ang ginamit nito.

Itinanggi din ni Saliwa na dumalo ang senador sa birthday party ng isa pang drug lord. Aniya, ang makikita sa video ay ang birthday party ng supporter na si Zaldy Aquino, na ginawa sa Zirkoh noong Disyembre 28, 2015.

Kinumpirma naman ni Vargas na siya ang katabi ni De Lima sa viral video at hindi si Colangco.

“I had sore eyes that time so I had to wear sunglasses and could not properly shake hands with everybody.

I hope this statement clarifies matters to all parties concerned and bring us closer to the truth,” ayon sa text messages ni Vargas kahapon.