Una sa Balita

De Lima: CCTV project imbestigahan na!

0 304

NAIS ni Senadora Leila de Lima na ipasiyasat sa Senado ang pagpapatupad ng Phase 1 ng Chinese-funded ‘Safe Philippine Project’ kung saan magkakabit ng mahigit 10,000 close-circuit television o CCTV security came­ra sa pampublikong lugar sa Metro Manila at Davao City.

Sa Senate Resolution 275 na inihain ng senadora, hinikayat nito ang kanyang mga kasama na imbestigahan ang inisyal na implementasyon ng kasunduan sa pagitan ng Department of Interior and Local Government (DLIG) at ng China International Telecommunications and Cons­truction Corp. (CITCC) para siguruhin ang proteksiyon sa seguridad ng bansa.

“The opportunity to create a surveillance system in our country should raise a red flag for our policymakers to ensure that none of our national interests are compromised by such agreements, particularly our national security,” sabi ni De Lima.

“Commercial contracts with companies whose international operations have put at risk the right of the people to privacy, entails careful scrutiny and utmost diligence in order to prevent abuses and violation of rights,” dagdag nito.

Noong nagdaang taon, lumagda ang Pilipinas ng 29 kasunduan sa China, kabilang ang kontrata sa pagitan ng DILG at CITCC para sa instalasyon ng P20 bilyon network ng mga security camera sa pampublikong lugar sa Kamaynilaan at Lungsod ng Davao.

Sa ilalim ng multibillion contract, ang Chinese multinational telecommunication company na Huawei ang magsu-supply ng equipment sa proyektong tinawag na ‘Safe Philippines’.

Noong 17th Congress, ilang mga senador ang kumontra sa naturang proyekto dahil banta ito sa seguridad ng bansa. Suba­lit noong nagdaang buwan pormal na itong sinimulan sa Marikina City.

Sa unang bahagi ng proyekto ay gagamit ng advance information at communication techno­logy kung saan kasama na ang video monitoring, multimedia critical communication, information management at command center systems.

Subalit nanindigan si De Lima, dating Justice secretary, na dapat isaalang-alang ang ‘right to privacy’ ng taumbayan kaya’t kailangang himayin kung anong impormasyon ang maaring makolekta sa pamamagitan ng surveillance camera gamit ang mga equipment na gawa sa China. (Dindo Matining)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More