Una sa Balita

De Lima: Anyare sa libreng irigasyon?

By
0 519

DAHIL sa nararanasang krisis sa suplay at produksiyon ng bigas, isang resolusyon ang isinumite ni Senador Leila de Lima upang magsagawa ng imbestigasyon ang Senado sa patuloy na pagkakaantala ng implementas­yon ng Free Irrigation Service Act na isa sa ipinangako noong kampanya ni Pangulong ­Rodrigo Duterte.

Sa Senate Resolution No. 853, nais malaman ni De Lima kung bakit naantala ang pagpapa­labas ng ‘Implementing Rules and Regulations (IRR)’ ng Department of Agriculture (DA) at National Irrigation Authority (NIA).

“The lack of IRR for the Free Irrigation Service Act has caused delays and unevenness in its implementation, with some regions vo­luntarily implementing it in spite of the absence of the IRR,” ani De Lima.

Abante Hiring – IT dep

Nabatid na naging batas ang RA 10969 o Free Irrigation Service Act nang pirmahan ni Duterte. Nakasaad dito na hindi na kailangang magbayad ng mga magsasaka para sa patubig kung ang kanilang sinasakang lupa ay hindi lalagpas sa walong ektarya.

Kapag naipatupad ito, hindi na kailangang magbayad ng mga magsasaka sa mga utang nila sa ‘irrigation fees’ sa NIA at magbebene­pisyo ang 98 porsiyento ng mga magsasaka o nasa 3 tatlong milyon.

Ngunit kamakailan, kinuwestiyon ng Kilusan ng Magbubukid ng Pilipinas ang DA at NIA dahil sa patuloy na pagsingil ng irrigation fees sa kabila ng pagkakapasa ng batas.

Nais malaman ni De Lima ang dahilan ng pagkakaantala ng pagpapalabas ng IRR at kung sino ang mga dapat managot.

Iginiit niya na ang kawalang-aksiyon ng DA at NIA sa usapin ay katumbas ng kanilang dereliksyon sa kanilang tungkulin sa taumba­yan.