Una sa Balita

De Castro bagong Chief Justice

By ,
0 1,097

MAY napili na si Pangulong Rodrigo Duterte na bagong punong mahistrado ng Supreme Court (SC) bilang kapalit ng pinatalsik na si da­ting Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Inihayag kahapon ni Justice Secretary Me­nardo Guevarra na iti­nalaga ng Pangulo si Associate Justice Teresita Leonardo-De Castro.

Pero halos dalawang buwan lang sa puwesto ang 69-anyos na si De Castro bilang punong mahistrado dahil malapit na ang mandatory retirement age nito sa Oktubre 8.

“Her appointment as chief justice is a fitting finale to her illustrious career in both the depth of justice and judiciary,” pahayag ni Guevarra.

Una nang nakakuha ng tig-anim na boto sina De Castro at Associate Justice Diosdado Pe­ralta habang si Associate Justice Lucas Bersamin ay nakaanim lang sa ginanap na botohan ng Judicial and Bar Council.

Kabilang si De Castro sa mga mahistrado ng SC na pumabor na patalsikin si Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition na inihain ni Solicitor Ge­neral Jose Calida.

Si De Castro kasama ang anim pang kapwa mahistrado ng SC na sina Peralta, Bersamin, Andres Reyes Jr., Francis Jardeleza, Noel Tijam at Alexander Gesmundo ay kabilang sa sinampahan kamakailan ng impeachment complaint sa Mababang Kapulungan ng Kongreso.

Pangalawa si De Castro sa pinaka-senior associate justice ng SC.

Ipinanganak siya noong Oktubre 8, 1948. Nagsimula ang kanyang career bilang law clerk ng SC noong 1973, kasunod nito ay naging state counsel ng Department of Justice noong 1978.

Hanggang ma-appoint bilang associate justice ng Sandiganba­yan at naging presiding justice.

Sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Sandiganbayan, siya ang gumawa ng desis­yon na nag-convict kay dating Pangulo at nga­yon ay Manila Mayor Joseph Estrada sa kasong plunder.

Nagtapos si De Castro sa University of the Philippines (UP) College of Law noong 1972 na may Certificate of Merit Award for Academic Excellence.

Isa rin siyang consistent honor student. Naging first honorable mention sa St. Paul College noong nagtapos ng high school at cum laude sa UP ng magtapos noong 1968.

Tumanggap din siya ng iba’t ibang award.

‘BEST CHOICE’

– ROQUE

Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque na ‘best choice’ ang napili ni Pangulong Duterte na bagong punong mahistrado ng SC.

Bukod aniya sa pagiging competent ni De Castro ay kilala rin itong may pagmamahal sa bayan at judicial activist.

“Bravo! Best choice for CJ! Proven competence, known nationa­list and a streak of being a judicial activist!” ani Roque.