Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

DBM, DSWD, NEDA pinoporma na ayuda sa NCR

0 33

Maaaring hugutin sa pondo ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan ang ayudang ibibigay sa mga maapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa National Capital Region (NCR).

Ito ang inihayag ni Department of Budget and Management (DBM) Secretary Wendel Avisado kasunod ng pahayag ng Malacañang na bibigyan ng ayuda ang mga manggagawang pansamantalang mawawalan ng trabaho sa loob ng 15 araw na ECQ.

Sinabi ni Avisado na bagamat may pondo ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa mga nangangailangan ng tulong, kailangan pa ring paghandaan aniya sakaling kapusin sa ipapamigay na ayuda.

“Marami tayong pinanggagalingan na pupuwedeng magamit. Pinag-aaralan po namin kung magkano `yong perang gagastusin natin at ilan ang nakapaloob diyan. Normally, ang DSWD ang talagang nakasentro sa pagpondo sa ayuda,” ani Avisado.

Bago pa man inanunsiyo ang ECQ sa Metro Manila ay inalam muna ni Pangulong Rodrigo Duterte kung may mapagkukunan ng pondo para ipantulong sa mga matatamaan ng ECQ.

Nakikipag-ugnayan na aniya ang DBM sa DSWD at sa National Economic Planning Authority (NEDA) para sa eksaktong datos, kung ilang tao ang makakasali sa ayuda at kung magkano ang popondohan ng gobyerno.(Aileen Taliping)

Leave A Reply

Your email address will not be published.