Una sa Balita

Dayaan sa Lanao nakuhaan ng video

0 156

TRENDING ngayon sa social media ang video na inilabas ng Kabataan Party-list kung saan ay makikitang nagkaroon ng pre-shading ng mga balota na maaari umanong patunay na nagkaroon ng dayaan sa nakaraang halalan.

Ibinahagi ng Kabataan Party-list sa kanilang Facebook page ang naturang video kung saan ay ipinapakita ang mga balotang minamarkahan ng isang babaeng hindi ipinakita ang mukha sa video.

Ayon sa post ng party-list, naganap ang natu­rang pre-shading ng mga balota sa Lanao del Sur at ito ay ibinahagi lamang sa kanila ng isang Facebook user.

Nanawagan umano ang naturang party-list sa Commission on Elections (Comelec) na agad na imbestigahan ang naturang pandaraya.

Ayon naman sa komento ng ilang netizen, lumang balota na raw ang ipinakita sa video at hindi ito ang mga balotang ginamit sa katatapos lamang na midterm elections.

Naglatag naman ng imbestigasyon ang Comelec sa viral video ng umano’y mga pre-shaded na balota para sa katatapos na halalan.

Inamin ni Comelec spokesperson James Jime­nez na kahapon lang niya nakita ang nasabing video kaya agad nilang pinaimbestigahan ito.

“A few things to note on that particular video, however, there is no internal evidence to show where it happened, who did it,” ani Jimenez
Gayunman, hindi rin naman nila aniya kinukunsiderang peke ang nasabing video.

Nanawagan din si Jimenez sa uploader ng video na lumantad at magsampa ng reklamo sa Comelec.

Hinikayat din niya ang sinumang may impormasyon sa nasabing video na lumabas din at magharap ng reklamo.

“If it’s the original uploader themselves, then so much the better,” dagdag niya.

Samantala, nanindigan naman ang Comelec na wala silang nilabag sa Omnibus Election Code nang gamitin ang ‘meet-me-room’ sa transmission ng vote counting machines patungo sa transpa­rency server ng Comelec.

Sinabi ni Jimenez na ang meet-me-room o queue server ay tinalakay sa oversight committee at naging bahagi ng local source code review.

“That arrangement was part of the local source code review. Political parties also sent their own representatives including the Joint Congressional Oversight Committee on the Automated Elections System,” saad ni Jimenez.

Nagdulot ng pagdududa ang pitong oras na pagtigil sa transmission ng boto sa transparency server noong Lunes ng gabi hanggang madaling araw.

Isang eksperto ang nagsabing dumadaan pa kasi sa meet-me-room ang transmission ng boto bago makita sa transparence server. (Mia Billones)

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy