Una sa Balita

Dating panadero nagtapos na summa cum laude sa Caraga

0 485

MULING napatunayan na ang kahirapan ay hindi hadlang para makatapos ng pag-aaral kung talagang determinado ang isang tao na makamit ang kanyang pangarap.

Para kay Abzonie­ Reño, ang pinakaunang summa cum laude ng Caraga State University – Ampayon Butuan City campus, pinilit niyang abutin ang kanyang pangarap kahit na naantala ito ng may pitong taon.

“For seven years its been my dream na makapag-aral ulit tapos siyempre po inspired po ako na ga­lingan po siguro kasi matanda na ako,” bahagi ng mensahe ni Reño sa kanilang graduation day.

Nabatid na noong Mayo 30 nang magtapos sa kursong Bachelor of Science in Secondary Education, Major in Math ang 27-taong gulang na si Reño.

“Sobrang saya po proud sa sari­li kasi ‘yun nga hindi ako bumalik ng pag-aaral para mag-excel bumalik lang ako para makapagtapos lang po pero sobra-sobra pa po yung binigay ni Lord,” ayon kay Reño.

Nalaman na 2008 nang magtapos siya ng high school at nagdesisyong pumunta ng Metro Manila upang maghanapbuhay.

Nasubukan niya na pumasok bilang factory worker, tindero, baker, security guard, janitor at houseboy.

Ito ay ginawa ni Reño para makatulong na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya.

Proud naman ang kanyang mga kaklase na naging matalik na niyang kaibigan dahil nagsilbi siyang halimbawa at inspirasyon sa kanila na magsumikap sa kabila ng hirap ng buhay.

Sa kasalukuyan ay pinaghahandaan na ni Reño ang pagkuha niya ng Licensure Exam for Teachers. (Juliet de Loza-Cudia

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy