Una sa Balita

Dating La Union congressman, 2 mga bodyguard patay sa ambush

0 1,102

DEAD on-the-spot ang isang dating kongresista at dalawang mga bodyguard nito makaraang ambusin ng hindi pa nakikilalang salarin na lulan ng da­lawang mamahaling sasakyan, Sabado nang gabi sa Brgy. Capas, Agoo, La Union.

Sa report na nakalap mula sa tanggapan ni Chief Supt. Romulo Sapitula, director ng Philippine Natio­nal Police-Region 1, lulan ng black Mitsubishi Montero na may plakang NDK 462 at isang white To­yota Innova ang mga hindi pa nakikilalang suspek.

Nakilala ang kongresista na si 2nd District Representative Eufranio ‘Franny’ Eriguel, 58-anyos at dalawang civilian bodyguard nito na sina Bong Tubera at Bobby Ordinario habang nasa walong sibilyan naman ang nasugatan sa naganap na pana­nambang.

Hindi na umabot pa sa La Union Medical Center ang mga biktima dahil sa tinamong tadtad ng tama ng bala ng baril sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang nagtamo ng daplis at ilang sugat sa katawan ang mga na­damay na sibilyan.

Naganap ang pananambang Sabado, bandang alas-siyete nang gabi habang nagsasalita si Eriguel sa stage sa ginanap na general assembly ng mga kandidato para sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.

Nagawang takpan ng dalawang mga bodyguard si Eriguel subalit nasawi rin dahil pinaulanan sila ng mga bala.

Agad nagsagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya upang matukoy ang pagkakakilanlan ng mga suspek habang nakaalerto na rin sa Highway Patrol Group (HPG) ang dalawang sasakyan na ginamit ng mga suspek.

Si Eriguel ay asawa ni Sandra Eriguel, incumbent congressional representative ng La Union, 2nd District. (Vick Aquino)