Una sa Balita

Dating gasoline boy ng Davao naging broadcaster

0 2,143

Hindi naging sagabal sa isang Davaoeño ang kahirapan upang makamit ang pangarap na maging broadcaster.
Ito ang kuwento ng buhay ni Francis F. Timbal, 28, ng Barangay Kipalili, San Isidro, Davao Oriental, at ngayon ay reporter ng DXMF Bombo Radyo Davao.

Bata pa lang ay pangarap na ni Timbal na maging broadcaster kaya’t nung nagtapos sa Sagayen National High School sa kanilang bayan noong 2004 ay lumuwas ito ng Davao City upang magtrabaho nang sa gayon ay matustusan ang kanyang pag-aaral.

Habang nakikituloy sa kanyang ate sa Davao City ay nagsimula siyang magtrabaho bilang janitor sa loob ng anim na buwan bago naging pump boy sa gasolinahan sa loob ng isa taon at tatlong buwan. Nagtrabaho din itong salesboy sa ARTM Enterprises sa Toril sa loob ng 11 buwan.

Nakaipon ng pera si Timbal at ginamit niya ito upang mag-enroll ng Mass Communication program sa University of Mindanao (UM).

Habang nag-aaral, pumasok naman ito bilang crew ng isang fastfood restaurant. Sa ikalawang taon sa kolehiyo, pumasok naman ito sa Student Technology Assistants Program (STAP) sa UM at naging newswriter ng DXUM Radyo Ukay makalipas ang isang taon.

Sa paglagare niya sa pag-aaral, pagtrabaho sa fastfood restaurant at sa radio station, nagkasakit ito at pinayuhan ng doktor na magpahinga ng isang taon.

Sa kabila nito, nakatapos din siya ng pag-aaral noong 2016 at isa na ngayong reporter ng Bombo Radyo Davao at host ng ilang programa tuwing Linggo nang hapon.