Una sa Balita

Dating carnapper na nagpanggap na pari timbog

By
0 372

ARESTADO ang isang miyembro ng notoryus na Sputnik Gang na dating sangkot sa carnapping matapos magpanggap na pari ng isang Aglipayan Church at mangolekta ng pera sa piyesta, kamakalawa nang tanghali sa Happy Land, Tondo, Maynila

Kinilala ni Manila Police District – Police Station 1 station commander PSupt. Rey Magdaluyo, ang suspek na si Marlon Ponterez, 38, miyembro ng ‘Sputnik Gang’ at residente ng Barangay Bangyas, Calauan, Laguna.

Ayon kay Magdaluyo, kasama pa umano ni Ponterez ang kanyang ina at kapatid na babae na nagpapahayag ng salita ng Diyos at nanghihingi ng donasyon mula sa mga residente ng Happy Land, Barangay 105 nang siya ay bitbitin ng mga pulis dakong alas-3:50 nang hapon.

Nagduda umano ang mga residente na peke siyang pari nang tanggapin ang pera at isingit ito sa Bibliya na kanyang dala.

Ayon kay Magdaluyo, hindi umano nag-iipit ng pera sa bibliya ang isang pari o pastor dahil ikinukun­sidera nilang banal ang bibliya.

Nag-aalok rin umano si Ponterez na babasbasan ang mga bahay ng mga residente.

Sa isinagawang beripikasyon sa record ng suspek, nalaman na nabilanggo umano ito sa kasong carnapping at kalalaya lamang noong Oktubre 2018.

Inamin rin ni Ponterez na kabilang siya sa grupo ng mga nagpapanggap na pari at umiikot sa mga piyesta.
Sinampahan ng kasong usurpation of authority at robbery extortion si Ponterez sa Manila Prosecutor’s Office.

This website uses cookies to improve your experience. We'll assume you're ok with this, but you can opt-out if you wish. Accept Read More

Privacy & Cookies Policy