Abante Online
Abante is the leading Tagalog-language tabloid paper in the country.

Dating 4M! Jobless bumaba sa 3M

0 145

Bumaba sa 3.07 milyong Pinoy ang walang trabaho noong Hulyo mula sa dating 4.14 milyon noong Abril ngayong taon ngunit may 2.08 milyon naman ang sumuko na sa paghahanap ng trabaho dahil sa pandemya at walang mahanap na trabaho, ayon kay National Statistician at Undersecretary Dennis Mapa kahapon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA) bumaba ang labor force participation o dami ng mga nagtatrabaho at naghahanap ng trabaho sa 44.7 milyon nitong Hulyo mula sa 48.8 milyon noong June at 47.4 milyon nitong Abril.

Nasa 41.7 milyong Pilipino naman ang may trabaho noong Hulyo.

Sabi ni Mapa, ang unemployment nitong Hulyo ay nasa 6.9% na lamang, pinakamababang unemployment rate sa loob ng 10 buwan. Ang labor force participation rate naman ang pinakamababa sa loob ng pitong buwan.

Kumpara sa buwan ng Hunyo, pinakamarami ang nawalan ng trabaho sa sektor ng wholesale at retail trade, 1.98 milyon ang nabawas na trabaho, sumunod ang agriculture and forestry, 1.54 milyon ang nawalan ng trabaho.

Pangatlo naman ang sektor ng edukasyon, 214,000 ang nabawas na trabaho.

Paliwanag ni Mapa, pinakamataas ang unemployment rate sa National Capital Region (NCR) kung saan 9 sa bawat 100 ang naghahanap ng trabaho at pinakamababa naman sa Cordillera Administrative Region na 3.8% ang unemployment rate.

Giit ni Mapa, malaki ang epekto ng quarantine restrictions sa trabaho ng mga tao. “Nakikita natin na kapag may strict lockdown, talagang tumataas ang unemployment rate,” aniya. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.